ANG nagaganap na gulo, sanhi ng pagkamatay ng maraming tao dahil umano nabakunahan ng Dengvaxia, ay nakarating na sa Department of Justice (DoJ). Dito isinampa ang mga kasong kriminal ng mga pamilya ng siyam na bata na ang kamatayan ay iniugnay sa Dengvaxia. Ang mga inihabla ay sina Health Secretary Francisco Duque, dating Health Secretary Janette Garin 12 opisyal ng Department of Health (DoH) at 24 na opisyal ng Sanofi Pasteur, Inc., ang gumawa ng Dengvaxia, at ng Philippine distributor nito na Zuellig Pharma Corp. Nag-isyu na ng subpoena ang DoJ sa mga ito para sa pagdinig sa Hunyo 25.
Sa preliminary investigation ng mga kaso noong nakaraang Huwebes, iprinisinta ni Public Attorney’s Office (PAO) Chief Persida Rueda Acosta ang isang liham na, ayon sa kanya, ay magpapatunay na binalewala ni Garin nang siya pa ang Health Secretary, ang babala laban sa Dengvaxia. Ang liham ay nilagdaan ng mga eksperto mula sa National Academy of Science and Technology, Philippine Medical Association, University of Sto. Tomas, University of the Philippines, College of Medicine at iba pang non-government group. Natanggap ng opisina ni Garin ang liham isang buwan bago ilunsad ng DoH, sa ilalim ng kanyang pamamahala, ang Dengvaxia immunization program.
Hindi ko alam ang kahihinatnan ng mga nasabing kaso. Kasi, naiulat na inihayag ni Special Assistant to the President Christopher “Bong” Go na ang anak ni Pangulong Duterte na si Veronica “Kitty” Duterte at ang dalawang anak ni resigned Davao City Mayor Paolo Duterte ay naturukan din ng Dengvaxia. Ayon kay Go, kinumpirma ito sa kanya ni Honeylet Avancena, ina ni Kitty, sa kanilang pagdalaw sa Tacloban City noong Martes. “Nang may nagtanong kung si Kitty at ang dalawang anak ni Paolo ay nabakunahan, kinumpirmang totoo ng kanilang mga ina, “wika ni Go sa sideline sa 120th Philippine Navy Anniversary sa Maynila.
Kung totoo man ito, bakit ngayon lang inilabas ang impormasyong ito? Bakit si Bong Go pa ang naghayag? Noong isang taon pa nagsimulang maguluhan ang mamamayan, lalo na ang mga kamag-anak ng mga naturukan ng Dengvaxia, dahil sa balitang may hindi magandang idudulot ang naturang bakuna sa mga nabakunahan na hindi pa nagkadengue. Pagkatapos nito, sunod-sunod na ang ulat ng mga batang binawian ng buhay, dahil umano sa pagkakaturok sa kanila ng nasabing bakuna. Sa awtopsiya na ginawa sa mga ito ng taga PAO, pare-pareho ang nakita nitong pinsala sa loob ng kanilang katawan. Maganda sana kung totoong nabakunahan ng Dengvaxia ang kanyang anak at dalawang apo, si Pangulong Digong mismo ang naghayag nito noon pa. Kahit paano ay makakalma ang mga magulang ng mga nabakunahan. Magaging susi ito para mabawasan ang pangamba ng publiko na mapanganib ang Dengvaxia, dahil mismong malapit na kamag-anak ng Pangulo ay nabakunahan din nito.
Pero, ito na nga ang epekto nito sa atrasadong pagbubunyag na ginawa ni Presidential Assistant Bong Go. Itinaon pa nito na may mga pagdinig para sa mga kasong isinampa sa mga opisyal ng DoH at Sanofi. Bagamat ang reaksyon ng Pangulo ay naging atrasado sa kaguluhang dulot ng opinyong nakapalibot sa Dengvaxia vaccine, lilikha na siya ng panel of experts na mag-aaral sa epekto ng nasabing gamot. Mahirap nang maging patas ang mga ekspertong ito. Nabasa na nila, maging ng DoJ na dumidinig ng kaso, ang body language ng Pangulo.
-Ric Valmonte