Cebu City, tumatag sa liderato ng PNG; Huelgas, olats
CEBU CITY -- Nagtagisan ng lakas ang mga miyembro ng National Team upang iangat ang kani-kanilang Local Government Units (LGUs) sa sagupaan sa Triathlon sa pagpapatuloy ng aksyon sa 9th edition ng Philippine National Games (PNG) na ginanap sa iba’t ibang panig ng lalawigan dito.
Binawian ni National Triathlete John Chicano ng Zambales ang kanyang teammate na si Nikko Huelgas ng Manila matapos makumpleto ang karera -- swim, bike, run – sa loob ng isang oras at 01:30 minuto sa men’s 18 above category.
“We took the game seriously po kasi it’s a part of the National program and this is also a part of our training for the Asian Games, kaya masaya ako kasi naka gold po ako. I hope nakatulong din kami aa mga local athletes here to level up their games,” pahayag ni Chicano.
Ang two-time SEA Games champion na si Huelgas ay nakatawid sa finish line sa tyempong 1:01:35.
Nagkagitgitan ang dalawa sa nakaraang Southeast Asian Games sa Malaysia kung saan naunahan ni Huelgas si Chicano.
Pumangatlo si Julius Constantino na isa ring National team member at bitbit ang koponan ng Laguna (1:02:38).
Sa 16-17 men’s category, nanaig ang tibay ng isa pang pambato ng Pilipinas na si Joshua Ramos ng Baguio sa kanyang 1:07:40 pagtatapos upang maisukbit ang ginto, kasunod si Josh Angelo Averion ng Laguna na tumapos ng 1:08:11 para sa silver at ikatlo naman si Christian Lloyd Saladaga ng Cebu City na may 1:08:37.
Sa taekwondo, nagkamit ng ginto sa kanyang unang pagsabak sa annual meet ng Philippine Sports Commission (PSC) si National Juniors team member Abigail Valdez sa feather Juniors Women’s category.
“First time ko po sumali. Masaya po sa pakiramdam kasi I wouldn’t think na makaka-gold po ako. But very thankful po ako for this win, “ pahayag ng 16-anyos na si Valdez.
Tinalo ni Valdez sa finals ang pambato ng Cebu Province na si Princess Maegan Parba at nagtapos naman ng bronze si Layohan Angela ng Negros Oriental.
Sa swimming, muling sumisid sina Nicole Pamintuan ng Sta. Rosa City at Camilo Russell Owen La Torre ng General Santos City, upang itala ang kanilang tig-limang ginto sa kompetisyon.
Nanguna muli ni Pamintuan sa girl’s 16 and over 200m freestyle sa oras na 2:15.69, habang si La Torre naman ay tumapos ng 2:05.64 sa boys 16 and over freestyle category.
Gayunman, nangunguna pa rin sa medal tally ang host city Cebu sa kanilang 20-27-28 medalyang nahakot, kasunod ang Baguio City na may (17- 24-18), Mandaluyong City (13-7-7), General Santos City (12-16-20) at Mandaue City (12-16-20).
Pumasok naman sa top 10 LGUs ang Leyte, Manila, Zamboanga, Iligan at Pasig City.
-Annie Abad