CALAPAN CITY, Oriental Mindoro – Inaresto ang siyam na Vietnamese dahil sa umano’y pangingisda sa Mangese Islands, Balabac, Palawan, iniulat kahapon ng Police Regional Office Oriental Mindoro, Occidental Mindoro, Marinduque, Romblon, Palawan (MIMAROPA).
Ayon kay Chief Supt. Emmanuel Luis D. Licup, regional director of PRO-MIMAROPA, ang Philippine Navy personnel, na kabilang sa BRP Carlos Lambert (PG375) na pinamumunuan ni Lieutenant Junior Grade Art M. Francisco, ang umaresto sa mga suspek dahil sa umano’y ilegal na pagpasok at pangingisda nitong Sabado.
Kinilala ang mga inaresto na sina Tran Hong Vu, 42, nagmamaneho ng bangka; Nguyen Van Hoang, 36, mekaniko; Vo Minh Hieu, 21, crew; Vo Thanh Dam, 25, crew; Nguyen Thanh Xuan, 28, crew; Vo Minh Thong, 21, crew; Chau Nhat Hao, 20, crew; Nguyen Tan Khai, 32, crew; at Nguyen Minh Hhy, 22, crew.
Sinabi ni Chief Supt. Licup na sa ganap na 2:30 ng hapon nitong Mayo 22, natanggap ng Balabac Municipal Police Station (MPS) ang impormasyon hinggil sa pagkakahuli ng Philippine Navy sa Vietnamese vessel (SBF18).
Narekober sa mga suspek ang isang unit ng ice machine, isang HF VX-1700 radio, isang battery charger, isang generator set at lambat.
Nasa kustodiya na ng Philippine Coast Guard sa Puerto Princesa City ang mga suspek para sa dokumentasyon at pagsasampa ng kaukulang kaso, habang ang bangka ay hawak na ng Philippine Navy sa Balabac, Palawan.
-Jerry J. Alcayde