NAKATIKIM rin ng panalo matapos ang dalawang talo, tatangkain ng University of Santo Tomas na gamiting buwelo ang nabanggit na panalo para magtuluy-tuloy sa pag-angat sa muli nitong pagsabak ngayong hapon sa Filoil Flying V Preseason Cup sa San Juan City.
Nagwagi kontra Jose Rizal University Heavy Bombers, 98-88,noong nakaraang Miyerkules, sasagupain ng Tigers ang malalim at talented na roster ng Adamson Soaring Falcons na galing naman sa 83-80, pag-ungos sa Letran sa una nilang laro.
Hindi pa rin makakalaro para sa Growling Tigers ang kanilang sentrong si Steve Akomo na may inaayos pang problema sa academics, ayon kay head coach Aldin Ayo.
Bagamat nawala sa line-up ng Soaring Falcons sina Tyrus Hill, Kurt Lojera, at Nikko Paranada, nakakuha naman sila ng mga mahuhusay at promising talents sa katauhan nina Jerome Lastimosa, Vince Magbuhos, at Egie Boy Mojica .
Magtutuos ang dalawang koponan ganap na 6:30 ng gabi.
Mauuna rito, maghaharap ang National University Bulldogs, na galing sa 86-81 na panalo kontra Gilas Cadets, at winless pa ring University of Perpetual Help Altas (0-3) ganap na 4:30 ng hapon.
Magtatapat naman sa unang laban ang sopresang Group B leader, College of St. Benilde, (3-0 ) at Arellano University Chiefs (2-1) ganap na 12:30 ng hapon kasunod ang salpukan ng San Sebastian College at ang JRU ganap na 2:15 ng hapon.
-Marivic Awitan