Ni Celo Lagmay
NANG iutos ni Pangulong Duterte ang pagbuo ng three-man panel na magsusuri sa sinasabing magkakasalungat na salaysay hinggil sa kontrobersiyal na Dengvaxia vaccine, nabuo rin sa aking kamalayan ang impresyon na ang Pangulo ay tila nalalabuan sa nabanggit na mga salaysay. Aalamin ng naturang grupo kung Dengvaxia nga ang dahilan ng pagkamatay ng mga naturukan ng nasabing bakuna.
Hindi ko matiyak kung hanggang saan na nakarating ang tagubilin ng Pangulo. Nais niya na ang mga miyembro ng naturang three-man panel ay pawang mga dalubhasa o experts mula sa Asian countries na tulad ng Singapore, Cambodia at Indonesia; hindi dapat maging miyembro ng grupo ang mga bansang Westeners. Hindi sila dapat magkaroon ng kaugnayan sa PH government at sa Sanofi Pasteur, manufactuer ng Dengvaxia. Alinsunod ito sa rekomendasyon ng Department of Health (DoH). Hindi ba ito isang malaking insulto sa ating mga dalubhasa hindi lamang sa medisina kundi sa iba pang larangan ng karunungan?
Naniniwala ako na ang utos ng Pangulo ay nakaangkla sa sinasabing magkakasalungat na paninindigan o testimony ng Public Attorney’s Office (PAO) at ng University of the Philippines – Philippine General Hospital (UP-PGH). Ang naturang mga tanggapan ay parehong nagsagawa ng mga pagsusuri tungkol sa sanhi ng kamatayan ng mga mag-aaral na tinurukan ng Dengvaxia. Natitiyak ko na nais mabatid ng Pangulo ang higit na maliwanag na scientific findings sa kontrobersiyal na bakuna.
Gayunman, naniniwala rin ako na hindi na kailangan ang ibayo pang pagsusuri ng mga dayuhang eksperto o dalubhasa sa bakuna at iba pang gamot at karamdaman. Mismong DoH na ang nagpahayag na umaabot na sa 65 ang namatay pagkatapos mabakunahan ng Dengvaxia. Ang ganitong nakababahalang sitwasyon ang laging tinutukan ng PAO, UP-PGH at iba pang sektor upang matiyak na Dengvaxia nga ang sanhi ng kamatayan ng mga biktima ng naturang sakit.
Ang ganitong mga pag-aalinlangan ay niliwanag at binura na ng mga pagdinig na isinagawa ng Senado at ng Kamara. Mismong mga resource persons na kinabibilangan ng ating mga dalubhasa ang nanindigan na dengvaxia ang puno’t dulo ng malungkot na kapalaran ng mga biktima ng nasabing bakuna. At mismong resulta ng imbestigasyon ng mga mambabatas ang naging batayan ng pagsampa ng iba’t ibang asunto laban sa mga may pananagutan sa pagbili at pagbabakuna ng Dengvaxia.
Ang naturang resulta ng Senate at House hearing ay kinatigan ng ating Commission on Audit (COA), ang ahensiya na nangangalaga sa salapi ng bayan laban sa mga mangungulimbat at tiwali sa gobyerno. Ang naturang mga tanggapan ay naniniwala na nagkaroon ng matinding anomalya sa pagbili ng P3-billion Dengvaxia vaccine.
Ang resulta ng imbestigasyon ng nabanggit na mga tanggapan – Senate, House at COA – ay mababaligtad kaya ng naturang three-men panel na binuo ng Pangulo?