Ni Celo Lagmay
HINDI ko ipinagtaka ang hindi magkamayaw na pag-aabot sa akin ng mga polyeto at iba pang propaganda ng mga kandidato nang ako ay sumaglit sa aming baranggay sa Nueva Ecija. Ang labis kong ikinamamangha ay ang tila iisang mukha ng mga kumakandidato sa iba’t ibang puwesto sa Baranggay at Sangguniang Kabataan polls. Ibig sabihin, halos lahat ay magkakamag-anak at magkukumpare. Tiyak na wala akong itulak-kabigin, wika nga, sa aking pagboto – lalo na sa pangangampanya.
Dahil dito, ipinarating ko na lamang sa kanila ang madalas itagubilin ni Atty. Edmund Abesamis, ang national president ng Liga ng mga Baranggay sa Pilipinas: Labanang magkakanayon. Nangangahulugan na ang sistema ng pangangampanya ay mistulang usapang pampamilya na hindi dapat mabahiran ng pag-iiringan at iba pang anyo ng hidwaan na magiging dahilan ng paglalayu-layo at hindi pagkakaunawaan.
Layunin ng idaraos na halalan sa Lunes, Mayo 14, na pumili ng mga opisyal ng baranggay na magiging patnubay sa maayos at makabuluhang pamamahala sa mga komunidad. Sa loob ng tatlong taong panunungkulan, sila ang laging makikipag-ugnayan sa iba pang pamunuan ng local government units (LGUs), lalo na sa mga alagad ng batas, upang mapangalagaan ang katahimikan laban sa mga posibleng maghasik ng karahasan at iba pang panganib.
Ang mga tagubulin ni Atty. Abesamis ay natitiyak kong nakaangkla sa mga ulat na marami pa ring mga election hot-spots na kailangan matyagan upang maiwasan ang pagsiklab ng karahasan. Maliit na bilang lamang ito, lalo na kung isasaalang-alang ang mahigit 42,000 baranggay sa buong kapuluan na kanyang pinamumunuan. Gayunman, kailangan ang sama-samang pagsisikap o collective effort hindi lamang ng mga kandidato kundi ng sambayanan upang matiyak ang isang tahimik at maayos na eleksiyon.
Tulad ng ipinahiwatig ni Atty. Abesamis, ang kanyang mga tagubilin ay kahawig ng paninindigan ni Gob. Cherie Umali ng aming lalawigan. Naniniwala siya na ang idaraos na halalan ay isang magandang pagkakataon sa ating mga kapwa Novo Ecijano na makapili ng mga karapat-dapat na mga lider na magsusulong ng mga programang pangkabuhayan at iba pang proyekto para sa kapakinabangan ng taumbayan.
Naniniwala ako na ang paninindigan nina Atty. Abesamis at Gob. Umali ay kinakatigan din ng iba pang LGUs, lalo na ng administrasyon. Ang lahat, kabilang na ang mismong mga mamamayan, ay naghahangad ng matapat, maayos at malinis na eleksiyon o honest, orderly and peaceful elections (HOPE).
Nais ko namang ipahiwatig sa mga kandidato na sa manalo at matalo, kailangang sila ay mapagkumbaba sa tagumpay at maluwag sa kalooban na tanggapin ang pagkatalo. Sabi nga ng mga Kano, ‘Be humble in victory and gracious in defeat’, sa isang labanan ng mga magkakanayon.