Ni Celo Lagmay
MALIBAN kung magkakaroon ng mga pagbabago sa idaraos ngayon na full court special session ng Supreme Court kaugnay ng quo warranto petition case laban kay Chief Justice Ma. Lourdes Sereno, natitiyak ko ang pagtutok ng mga mamamayan sa tinagurian nilang paghuhukom sa hukuman. Ibig sabihin, aabangan nila ang makasaysayang desisyon sa isang asunto na gumigiyagis sa ating Kataas-taasang Hukuman.
Bilang isang non-lawyer, nais ko ring maliwanagan ang magkakasalungat na espekulasyon sa nabanggit na asunto na natitiyak kong hihimayin sa idaraos na en banc special session ng SC. Maaring pagpapasiyahan, halimbawa, kung ang pagiging Chief Justice ni Sereno ay talagang walang bisa sa simula pa lamang; ito yata ang tinatawag na void ab initio.
Magugunita na ang quo warranto petition ay isinampa ni Solicitor General Jose Calida laban nga kay CJ Sereno. Natunghayan ko na sa mga ulat na ito, ito ay bunsod ng sinasabing kabiguan ng nasabing Mahistrado sa paghahanda ng kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN). Ito rin ang isa sa mga naging batayan ng impeachment case na isinampa naman ng Kamara. Layunin ng nasabing mga asunto na patalsikin siya bilang Chief Justice.
Dalawang araw bago maganap ang pinananabikang ‘moment of decision’, si CJ Sereno ay bumalik na sa tungkulin pagkatapos ng kanyang dalawang buwang indefinite leave. Tiniyak niyang siya ang mamumuno sa full court session bagamat may pahiwatig na siya ay hindi lalahok sa pagtalakay ng quo warranto petition laban sa kanya.
Naging dahilan ito ng paglutang ng isa pang espekulasyon: Hindi maaaring makabalik si CJ Sereno sa kanyang puwesto kung walang pahintulot ang SC en banc session na pinamumunuan ni Acting CJ Antonio Carpio. Ang naturang grupo ng mga Mahistrado ang nagpasiya upang mag-leave si Sereno; ito rin umano ang dapat magpahintulot upang siya ay makabalik sa tungkulin -- isang desisyon na taliwas naman sa paniniwala ng kampo ni CJ Sereno.
Ang masasalimuot na isyung ito, at marami pang iba, ang nakasalang ngayon sa SC. Dapat lamang asahan ang matinding balitaktakan ng mga Mahistrado na natitiyak kong maglalahad ng kani-kanilang makabuluhang mga argument, na puspos ng lohika tungo sa isang desisyong katanggap-tanggap sa sambayanang Pilipino.
Anuman ang kahihinatnan ng deliberasyon ngayon ng SC, marapat lamang ipagunita sa mga appointing authority na maging maingat sa pagtatalaga ng mga opisyal na totoong mga huwaran at matitino sa pagtupad ng kanilang mga tungkulin; hindi mga pabigat at balakid sa paglikha ng pamunuang walang bahid ng mga pag-aalinlangan.