Ni Celo Lagmay
SA mistulang nagngangalit na pahayag, buong-buo ang tinig ni Generald Ronald dela Rosa: Ako ang siga rito. Ito ang kanyang ibinulalas sa pagbisita niya sa New Bilibid Prison (NBP) bilang bagong hepe ng Bureau
of Corrections (BuCor) – ang mabigat na tungkuling iniatas sa kanya ni Pangulong Duterte kasunod ng kanyang pagreretiro bilang Director General ng Philippine National Police (PNP).
Natitiyak ko na ang naturang babala ang tatapos sa paghahari-harian ng mga bigating drug lords sa NBP. Maliwanag na ito ay bahagi ng ilulunsad niyang mga reporma sa naturang piitan na hanggang ngayon ay talamak sa illegal drugs; tila malaya pang kumikilos ang mga galamay ng mga drug lords na labas-pasok sa bilangguan sa kabila ng sinasabing mahigpit na pagtatanod ng mga alagad ng batas, tulad ng itinalagang PNP Special Action Forces (SAF).
Sa kabila ng matinding babala ni Dela Rosa, gusto kong maniwala sa pahiwatig ng isang kapatid sa propesyon na ang kanyang misyon ay mistulang pagtutulak ng alon sa dagat, wika nga. Ibig sabihin, mga kampon ng kasamaan ang kanyang mga babanggain; mga salot ng lipunan na nalulong sa mga bawal na droga na sinasabing handang pumatay at mamatay. Katunayan, sinuong na ng mga drug lords, katuwang ng mga users at pushers, ang lahat ng anyo ng panganib upang manatiling nakayakap sa kasumpa-sumpang bisyo.
Isipin na lamang na ang naturang mga bigating drug lords ay hindi man lamang nasalang ng mga may kapangyarihan ng nakalipas at ng mismong kasalukuyang pamunuan. Noon, malayang naipapasok ang mga illegal drugs sa loob mismo ng NPB, kung saan sinasabing nagaganap ang mga transaksiyon na kinapapalooban ng paghahatian ng drug money. Hindi ba lumutang ang mga haka-haka na ang naturang drug money ang ginamit ng ilang pulitiko sa kanilang pangangampanya?
Noon, naidadaos sa NBP ang mga konsyerto na may kaakibat na drug transaction na naglalayong makalikom ng nakalululang pondo para sa ilang opisyal ng pamahalaan. Sinasabing sa loob mismo ng piitan ay matatagpuan ang drug laboratory. Sa nakalipas na ilang araw, binulaga tayo ng mga ulat na talamak na naman ang pagpapasok ng illegal drugs sa naturang bilangguan. Kapani-paniwala na ang ganitong nakapanlulumong situwasyon ay nagaganap sa pamamagitan ng pagsasabuwatan ng mga preso, drug lords at ng ating mga lingkod ng bayan.
Ang naturang mga problema ang bubunuin ni Dela Rosa – mga problema na hindi ganap na nalutas ng nakaraang mga administrasyon. Hanggang saan kaya makararating ang kanyang paglumpo sa paghahari-harian ng mga sugapa at drug lords sa BuCor?