Ni Ric Valmonte
NGAYON naman ang nagtatapang-tapangan nating diplomat na sinagip ang mga inaabusong Filipino domestic helper sa Kuwait ang siyang mga nangangailangan ng tulong para sila naman ang sagipin. Paano, ang tatlo kasing ito na namuno ng rescue operation ay nagtatago na sa loob ng ating embassy sa Kuwait. Dito sila nagtungo mula sa hotel na kanilang tinuluyan dahil aarestuhin sila ng Kuwaiti police sa salang kidnapping. Dahil dito, natatakot na silang lumabas. “Hindi ito matatawag na hostage,” sabi ni Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Allan Cayetano. Ang apat na kasama ng tatlong diplomat na ginamit nilang driver ay nakakulong na.
Paglabag sa soverenia at diplomatic protocol ang ginawang rescue operation ng Philippine diplomat, ayon sa gobyerno ng Kuwait. Ganito rin ang kasalanang ibinintang ni Pangulong Duterte kay Missionary nun Patricia Fox, kaya niya ito ipinaaresto. Pero, sa panig ng mga Philippine diplomat, iginiit ni Cayetano na walang nilabag na batas ang mga ito. Hindi rin daw paglabag sa soverenia at diplomatic protocol ang ginawa nilang rescue operation. Ang ginawa ng mga ito ay kunin ang mga Pilipinong kasambahay na umano ay inaabuso ng kanilang amo. Sa proseso, pinasok nila ang kanilang kinaroroonan na pag-aari ng kanilang amo.
Pero, tingnan ninyo ang sinasabi ng ating Pangulo laban sa madre. Sumasama raw ito sa mga kilos-protestang isinasagawa sa ating bansa gayong siya ay dayuhan. May inilabas pang larawan si Fox habang nagsasalita sa harap ng mga nagpoprotesta. Pero, ang protesta naman ay laban sa kahirapan. Ayon kay Fox, bahagi ito ng kanyang misyong tulungan ang mga dukha. May 27 taon nang nasa bansa ang madre at sa buong panahong ito, siya ay nakisalamuha sa mahihirap at mga taong nasa liblib na bahagi ng bansa. Alin ang higit na maliwanag sa paglabag sa soverenia, ang ginawa ng mga diplomat o ang ginawa ng madre? Kung kay Sec. Cayetano, hindi nilabag ng mga Philippine diplomat ang soverenia ng Kuwait nang magsagawa sila ng rescue operation, lalong hindi nilabag ni Fox ang soverenia ng Pilipinas nang sumasama siya sa mga kilos protesta, para ihayag ang hinaing ng mga dukha na kanyang tinutulungan. Itinuturo lamang niya sa ating gobyerno ang nararapat niyang gawin sa kanyang dapat na paglingkuran.
Kaya, sa dalawang sitwasyong ito, ang maliwanag ay si Fox ay nasa bansa dahil kinakalinga niya ang mga mahirap, dahil hindi matugunan ng gobyerno ang kanilang pangangailangan. Ang tingin sa kanya ay kalaban ng estado at pinatatalsik ng ating gobyerno. Ang mga Pilipino ay nasa Kuwait dahil, tulad ng mga tinututulungan ni Fox sa ating bansa, ay hindi sila masuportahan ng ating gobyerno. Ang nang-aabuso sa kanila ay hindi ang gobyerno ng Kuwait kundi ang mamamayan nito. Ang inaabuso raw ni Fox ay si Pangulong Digong.