Ni Celo Lagmay
NANG mabasa ko ang aklat na ‘Mga Kuwentong Kulas’, dalawang makabuluhang mensahe ang tumimo sa aking utak: Ang pagpapahalaga sa panitikang Filipino (Tagalog); at ang pagsariwa sa sinauna at kasalukuyang tradisyon. Matutunghayan din dito ang iba pang makatuturang kaisipan na naging bahagi na ng ating pang-araw-araw na pamumuhay.
Nakagagalak na mabatid na marami pa tayong mga kababayang nagsisikap matugunan ang ating pangangailangan tungkol sa pagkakaroon ng tinatawag na ‘Tagalog literature’. Ang naturang aklat, bagamat nasusulat sa Filipino, ay nagpapatamlay sa ating pananalig na ang mga nagwawalang-bahala sa sariling wika ay napag-iiwanan ng panahon at nalalampasan ng ibang bansa. Sanhi ito ng pagsulpot ng modernong mga imbensiyon sa larangan ng teknolohiya o information technology.
Gayunman, hindi ito dahilan upang tayo ay manlupaypay sa pagpapaunlad ng ating wika. Bagkus, lalo nating paigtingin ang pagpapayaman dito sa pamamagitan nga ng pagsusulat ng iba’t ibang anyo ng panitikan. Hangga’t maaari, sikapin din nating paunlarin ang iba’t ibang diyalekto sa kapuluan upang ang mga ito ay maging bahagi ng tinatawag na integrated languages.
Binuhay din sa naturang aklat ang ating sariling kuwento ng mga kababalaghan, mga alamat o folklore, pati ang kinatatakutan nating mga multo. Marapat lamang pagyamanin ang gayong mga kuwento ng ating mga ninuno na naging bahagi na ng ating mayamang kalinangan. Natitiyak ko na hanggang ngayon, ang mga ganitong uri ng kababalaghan ay malimit pa ring sumagi sa ating mga guni-guni o imahinasyon -- na laging tumatakot sa ating pag-iisa.
Naniniwala ako na ang gayong aklat -- Mga Kuwento ni Kulas -- ay napapanahon pa rin upang tularan. Nagkataon na ang naturang aklat ay sinulat ng ating kapatid sa propesyon -- si Eddie Ilarde -- lifetime member ng National Press Club.
Natitiyak kong bihira ang hindi nakakakilala kay Kuya Eddie, tulad ng karaniwang tawag sa kanya. Siya ay naging konsehal, kongresista, assemblyman at senador ng ating bansa. Pinagkalooban siya ng tatlong ‘Lifetime Achievement Award’; pioneer ng mga dulang Tagalog, comedy at musical variety sa radyo at telebisyon na nagsimula pa noong 1953 hanggan ngayon. Dahil dito siya ang kinikilalang ‘longest-living radio TV personality.’
Hindi kumukupas ang kanyang pagsisikap na magkaroon ng mga aklat sa Filipno o Tagalog na maihahambing sa panitikan ng ibang bansa.