Ni Bert de Guzman
KINONDENA ni Vice Pres. Leni Robredo ang umano’y “fake news” mula sa kampo ni ex-Sen. Bongbong Marcos hinggil sa mga report na natatalo siya sa ginagawang recount sa vice presidential race ng Presidential Electoral Tribunal (PET). SaTwitter, binanggit ni beautiful Leni ang fake news na nabawasan daw ng 21,000 ang kalamangan niya kay Marcos matapos ang apat na linggong recount o muling pagbibilang ng mga boto sa 16 na bayan sa Camarines Sur.
Nilinaw ni VP Robredo na ang gayong ulat na siya ay nawalan ng 21,000 boto ay lumabas din sa ibang media organizations. Tinawag ito ng biyuda ni ex-DILG Sec. Jesse Robredo bilang isang malaking “PR stunt” na malayo sa katotohanan. Noong ako’y aktibo pa sa reporting, ang tawag diyan ay “kuryente.”
Sabi nga ng kaibigan kong palabiro pero sarkastiko: “Sa Pilipinas, walang natatalo sa halalan. Laging sinasabi na siya’y dinaya kaya natalo.” Nangyayari rin kaya ito ngayon sa bakbakan nina Robredo at Marcos?
Samantala, ganito ang pahayag ni VP Leni: “Learned that the fake news came out in Manila Bulletin, Manila Standard, Daily Tribune, PTV-4, etc. Huge PR stunt. Can’t come from PET insider, as they claim because this is so far from the truth. We already know from which camp this comes from.” Batay sa “fake news”, sinabi umano ng PET insider na ang lamang ni Robredo na 263,437 ay nabawasan ng 21,000 boto matapos ang apat na linggong recount.
Idinagdag ng VP na noong ikalawang linggo ng recount, ipinakalat ng PR stunt na nawalan siya ng 5,000 boto. “Pareho itong peke. Kung talagang ikaw ang nanalo, bakit gagawa ng fake news,?” pasaring niya.
Marami ang nagtatanong kung magsasawalang-kibo na naman o tatameme ang Duterte administration tungkol sa mga ulat na ang China ay nag-instala ng anti-ship cruise missiles at surface-to-surface missiles systems sa tatlong outposts nito sa West Philippine Sea (South China Sea).
Ang missiles umano ay inilagay sa Kagitingan (Fiery Cross) Reef, Zamora (Subi) Reef, at Panganiban (Mischief) Reef nitong nakalipas na 30 araw. Sa banner story ng isang English broadsheet noong Biyernes: “China installs cruise missiles on PHL Reef.”
Ang balita tungkol sa pag-iinstala ng mga missiles sa tatlong reef ay iniulat ng US network CNBC, na ang pinagbatayan ay sources na may direktang kaalaman sa US intelligence reports. Eh ano ngayon? Kaya ba nating pigilan ang China tungkol dito eh baka mamasaker lang ang ating mga kawal at pulis? Ano ang masasabi mo DFA Sec. Cayetano at presidential spokesman Harry Roque?