Ni Bert de Guzman

MUKHANG kontra at ayaw ng karamihang mamamayan ang isinusulong na Charter Change (Cha-Cha) at pederalismo ng Pangulo. Pito sa 10 Pinoy ang hindi pabor sa panukalang gawing pederalismo ang sistema ng gobyerno para ipalit sa presidential form.

Batay sa Pulse Asia nitong Marso 23-28, lumalabas na 64% ng mga Pilipino ay hindi kumporme sa pag-aamyenda sa Saligang Batas (Cha-Cha). May 23% naman ang pabor dito. Ayon sa Pulse Asia, tumaas ng 20 puntos ang salungat sa pagbabago ng Constitution mula 44% noong Hulyo 2016, samantalang ang sumusuporta sa Cha-Cha ay bumagsak sa 14 puntos mula sa 37%.

Para sa mga Pinoy, hindi pa panahon para susugan ang Konstitusyon bagamat maaari rin namang amyendahan ito sa hinaharap o tamang panahon. Ang pinakamaraming ayaw sa Cha-Cha ay mula sa Mindanao na balwarte ni PRRD. Mula sa 47% noong Hulyo 2016 ay bumulusok ito sa 24% nitong Marso 2018. Nangangahulugan ba ito na ayaw rin ng taga-Mindanao ang pederalismo ni Mano Digong? Well, bagsak din ang Cha-Cha at pederalismo sa hanay ng ABC, mula sa 42% ay naging 23%.

Kaugnay nito, sinabi ng Consultative Committee (ConCom) na binuo ng Pangulo sa pamumuno ni ex-Supreme Court Chief Justice Reynato Puno, na iginagalang nila ang desisyon ng publiko sa di-pagsuporta sa Cha-Cha at pederalismo. Naniniwala si Puno na nagbabago naman ang surveys, at ang pinal na desisyon ay malalaman sa pamamagitan ng plebisito.

Itinanggi nina DFA Sec. Alan Peter Cayetano at Labor Sec. Silvestre Bello III na nagsigawan at nagsisihan sila bunsod ng nalikhang gusot sa rescue operations ng distressed Filipinos sa Kuwait. Dahil sa Kuwait fiasco, idineklarang persona non grata si PH Ambassador Renato Villa at pinauwi pa sa ‘Pinas ng Kuwaiti government.

Itinanggi ng dalawa na nagtuturuan sila kung sino ang dapat managot at sisihin sa pagkakaroon ng lamat sa relasyong diplomatiko ng Pilipinas at Kuwait. Samantala, sinabi ni presidential spokesman Harry Roque na nananatili ang tiwala ni PRRD kay Cayetano sa kabila ng panawagan ng career officers o diplomats na magbitiw ito sa puwesto kasama ang kanyang appointees dahil daw sa “gross incompetence.”

Pati pala si PCOO Sec. Martin Andanar ay iniimbestigahan din dahil sa kontrobersiyal na P90 milyong ads ng Dept. of Tourism (DoT) sa PTV-4 na ibinigay umano sa programang “Kilos Pronto” ni Ben Tulfo, kapatid ni Tourism Sec. Wanda Tulfo-Teo. Ang PTV-4 ay nasa ilalim ng tanggapan ni Andanar.

Pinakakasuhan ng Office of the Ombudsman si ex-Bureau of Customs (BoC) chief Nicanor Faeldon, kaugnay ng pagpupuslit ng P64 bilyong halaga ng shabu noon. Gayunman, hindi pinakakasuhan sina ex-Vice Mayor Paolo Duterte, anak ng presidente, at Atty. Mans Carpio, ginoo ni Mayor Sara Duterte. Sabi nga ng kaibigan kong palabiro pero sarkastiko: “Solomonic decision ang ginawa ng Office of the Ombudsman. Kakasuhan si Faeldon et al, pero ligtas sina Pulong at Mans.”