ISANG taon bago ang senatorial election sa Mayo 2019, nagsisimula nang bumuo ang mga pinuno ng iba’t ibang pulitikal na partido ng talaan ng mga kandidato na ilalaban para sa mid-term election.
Para kay Speaker Pantaleon Alvarez, secretary-general ng kasalukuyang administrasyon na PDP-Laban, ang nais niyang ticket ay binubuo lamang ng mga eksklusibong miyembro ng partido, iminungkahi niya ang reelectionist na sina Senate President Aquilino “Koko” Pimentel, Jr., Rep. Alfredo Benitez, Geraldine Roman, Karlo Nograles at Pia Cayetano, kasama rin sina Communication Assistant Secretary Mocha Uson at presidential spokesman Harry Roque.
Gayunman, nais namang isama ni Senator Pimentel, pangulo ng PDP-Laban, ang ilang hindi miyembro ng partido, tulad nina reelectionist Senator Grace Poe, Cynthia Villar, Nancy Binay, Juan Eduardo Angara at JV Ejercito na aniya’y naging kaalyado ng administasyon sa Senado.
Ang partido Liberal ng dating administrasyon ay tila nahihirapan namang bumuo ng ticket. Sinabi ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na isang pangalan pa lamang ang sigurado sa listahan—si reelectionist Sen. Paolo Benigno Aquino IV. Ayon kay Drilon, hinihikayat niya si Mar Roxas na tumakbo, ngunit sinabi ng natalong presidential candidate ng LP noong 2016 na hindi niya nais tumakbo sa ilalim ng LP laban sa partido ng Pangulo na may 70% approval ratings sa survey.
Nariyan din ang Nationalist People’s Coalition (NPC) na ang karamihan ng mga miyembro ay nasa Kongreso. Ibinahagi ni Senate Majority Leader Vicente Sotto III na isasama ng NPC sa listahan nito ang walo na bagamat hindi miyembro ay naniniwala sa hangarin ng partido—sina Senator Poe, Villar, Angara, Pimentel, Ejercito, Aquino at dating Senador Jinggoy Estrada, at Pia Cayetano.
Malinaw na makikita mula sa iba’t ibang pinili na ang mga partido sa Pilipinas ay hindi pa rin mahigpit, hindi tulad ng mga partido sa Amerika at mga bansa sa Europa na ang mga miyembro ay mahigpit na pinagbibigkis ng iisang prinsipyo, hangarin, at ideya. Bago ang martial law sa Pilipinas, mayroon din tayong Nacionalista Party at Liberal Party, na may matatag at tapat na mga miyembro na hindi hahayaang matawag na “balimbing.”
Subalit pagkatapos ng 1986, lahat ng partido ng administrasyon ay halos nawalan ng miyembro sa nanalong partido pagkatapos ng eleksiyon. Kaya ngayon, halos lahat ng senatorial candidate ay nais mapabilang sa partidong PDP-Laban ni Pangulong Duterte.
Maaaring manalo nang ilang boto ang partido ngunit sa halalan, may sariling dating ang isang kandidato sa mga botante. Sa huling Pulse Asia survey, ang pangalan nina Poe, Villar, Cayetano, Binay at Angara ang lumutang sa top six, kasama sina Davao Mayor Sara Duterte na bukod sa anak ng Pangulo, ay nagpakita rin ng malakas na liderato sa mga kabataang botante.
Makaaasa tayo nang maraming pagbabago sa listahan ng mga partido sa mga susunod pang buwan, ngunit ang top six sa survey ay makaaasang mangunguna at aangat, habang pag-aagawan naman ng natitirang mga kandidato ang natitirang anim na puwesto sa 12-miyembro na mananalo. Ang anim na pangalan na ito’y may magandang record at hanggang sa marating ng mga partido ang ninanais nitong lebel ng kakayahan, ang naging pagganap ng isang kandidato sa kanyang tungkulin ang magiging gabay ng mga mamamayan sa pagpili ng kanilang ibobotong opisyal.