Ni Celo Lagmay
SA kabila ng paglagda ni Pangulong Duterte sa Executive Order (EO) na kumikitil sa kasumpa-sumpang contractualization o labor contracting, lalong nalantad ang kawalan ng kasiyahan ng iba’t ibang sektor ng sambayanan. Naniniwala ako na ang paninindigan ng Pangulo ay nakaangkla sa probisyon ng Labor Code – isang batas na kailangang susugan upang ganap na malipol ang nakagawiang mga sistema ng paggawa na hindi na angkop sa panahon.
Subalit ang nilagdaang EO ay labis namang ipinanggalaiti ng ilang sektor ng paggawa, lalo na ng mga kritiko ng administrasyon; ipinagdiinan nila na ang naturang kautusan ay nakakiling sa mga employer o sa malalaking negosyante at hindi sa nagdurusang mga obrero. Sinasabing taliwas iyon sa mga pangako ng Pangulo noong kasagsagan ng presidential elections, mga pangakong binitawan din ng iba pang naghahangad na maging Pangulo ng bansa.
Hindi ko na hihimayin ang magkakasalungat na argumento ng naturang masalimuot na isyu. Manapa, nais kong ulitin ang malimit sambitin ng mga Kano: Damn if you do, damn if you don’t. Tila kasing-kahulugan ito ng ‘sala sa lamig, sala sa init’. Ibig sabihin, talagang walang kasiyahan – o nagkukunwari lamang na hindi kontento – ang kinauukulang mga sektor ng lipunan sa anumang patakarang isinusulong ng administrasyon.
Ang nabanggit na kawikaan ay tila nakalambong din sa ilang grupo ng relihiyoso at sa pamunuan ng Commission on Human Rights (CHR) hinggil sa kani-kanilang pananaw sa narco-list na inilantad ng Duterte administration. Kinakatigan ko ang paninindigan ng ilang alagad ng Simbahang Katoliko na marapat lamang ipabatid sa taumbayan ang lahat ng mga sangkot sa illegal drugs – mga gobernador, mayor, mga opisyal ng barangay. Sa gayon, magkakaroon tayo ng makatuwirang batayan sa pagpili ng mga lingkod ng bayan na nais nating iluklok sa tungkulin; ang hindi karapat-dapat sa matapat na serbisyo ay walang karapatang mamuno sa isang marangal na lipunan.
Taliwas naman ito sa paniniwala ng CHR leadership. Hindi dapat ibunyag ang pangalan ng mga pinaghihinalaang sangkot sa illegal drugs sapagkat ang gayon ay tandisang paglabag sa kanilang karapatan sa tinatawag na due process of law. Ibig sabihin, marapat na sila ay ihabla at litisin kung kinakailangan, at hayaang gumulong ang katarungan.
Marami pang masasalimuot na isyu na dapat lamang timbangin ng kinauukulang sektor ng sambayanan. Kailangan ang maingat na paglilimi at matalinong pagpapasiya upang hindi mawika na ang ating paninindigan ay ‘sala sa lamig, sala sa init’! Sa maikling salita: Salawahan.