Ni Erik Espina
MULING binigyan ng puwang ni Pangulong Duterte ang ‘Usapang Pangkapayapaan’ sa mga komunistang CPP-NPA-NDF. Ayon sa binitawang salita ng ating Pangulo, “small window” ang kanyang binuksan na limitado lang sa 60 araw. Ito’y huling pagbabakasakali na magbago ng tinuran ang mga kaharap ng pamahalaan.
Dalawang bagay lang ang aking pangamba. Kung pagbabasehan ang kasaysayan at naging mga kaganapan tuwing may peace talks, buslog kausap ang mga ito. Matindi pa sa usapang lasing dahil kapag sila ang kahuntahan, may halong “panghuhudas” ang susunod na kabanata. Masaklap pa nito, pamahalaan pa ang itinuturong may kasalanan sa paglabag ng mga alituntunin sa usapan. Pamahalaan at AFP ang tapunan ng sisi nila.
Ang pangalawang kinatatakutan ko ay ang magkatotoo ang babala ni Davao Mayor Sarah Duterte na wala din tayong mapapala. Mabuti pa, mga “local peace talks” na lang ang iusad, buwelta ng Mayora. Kung tutuusin, praktikal ang payo ni “Inday Sarah”. Batid nito ang mga kabulastugan at karahasan na ginagawa ng mga teroristang komunista. Nandyan ang pananambang sa mga pulis, panununog sa mga pribadong ari-arian, panloloob sa mga lupain ng mga negosyante, at pangongotong. Kaya nakakaduda. Sila pa ang atat na atat na ituloy ang peace talks.
Puna ng sektor LGBTQ, “Bakeeet?” Magisip-isip tayo. Maghunos dili? Kaya ako, sampung beses ko sinasaluduhan si PANGULONG JOSEPH ERAP ESTRADA sa kanyang buong loob na tinuran, “Isa lang ang ating bandila, isa lang ang republika, iisang AFP. Walang lupain ang bawal pasukin ng AFP”. Kung hindi lang na “onse” si President Erap noong Edsa Dos, tapus na sana ang lahat ng suliranin natin sa “peace and order”. Magugunitang bahag ang buntot na tumakbo ang mga lider ng MILF pauwi sa kanilang amo sa Putra Jaya Malaysia pagkatapos na malagay ulit ang watawat ng Pilipinas sa Camp Abu Bakr kasama 40 kampo nila. Ang sunod na titigpasin sana ni Erap ay CPP-NPA-NDF. Tiyak may paglalagyan din sila noon. Bukas makalawa, dapat mapayapa na ang ating bayan. Pamana sana yan ng isang magiting na pangulo, ang tapusin ang giyera na tumagal na ng 49 na taon.