Ni Celo Lagmay

NOONG nakaraang mga eleksiyon ng Sangguniang Kabataan (SK), halos magkandarapa ang mga kabataan sa pagpaparehistro at pag-aasikaso ng kani-kanilang mga certificate of candidacy (COC). Kabaligtaran ito ng galaw ng mga kandidato sa halalan ng mga baranggay na halos hindi natin namalayan ang pagbuo ng kanilang mga tiket. Dahilan kaya ito sa paniniwala na ang naturang mga eleksiyon ay non-political?

Ngayong natapos na ang mga preparasyon sa pagdaraos ng nasabing mga halalan, kapuna-puna na masyadong matumal, wika nga, ang pagdagsa ng mga kabataang lalahok sa SK polls. Maraming lugar sa bansa ang hindi nakakumpleto ng mga kandidato o line-up na sasabak sa napipintong halalan.

Dalawang makatuturang dahilan ang inaakala kong nagpatamlay sa mga kabataan upang lumahok sa isang halalang sinasabing epektibong instrumento sa kanilang pagiging lider ng kinabukasan. Tila naging malaking balakid ang implementasyon ng regulasyon laban sa political dynasty; mahigpit na nagbabawal ito sa pagkandidato ng mga kabataan na kabilang sa angkan ng mga nanunungkulang mga opisyal ng local government units (LGUs).

Hindi maililihim na maraming mga pinuno ng SK ang kapatid, anak, apo at apo sa tuhod ng LGU officials. Kasama rin silang naihahalal ng kanilang mga magulang at ninuno tuwing eleksiyon. Ibig sabihin, naghahali-halili lamang sila sa mga posisyong nais nilang hawakan sapagkat nalalambungan sila ng political dynasty.

Gusto kong maniwala na tinatabangan na ang maraming kabataan sa pag-aaksaya ng panahon sa isang misyon na nakaaapekto sa kanilang pagtuklas ng mataas na edukasyon. Bagamat naniniwala sila sa kawikaang sila ang pag-asa ng bayan, higit naman ang kanilang paniwala sa makabuluhang pakikipagsapalaran -- makatapos ng pag-aaral at kalaunan ay magkaroon ng kapaki-pakinabang na hanapbuhay para sa kanilang magandang kinabukasan.

Ang gayong mga paninindigan ay nakaangkla sa aking matagal nang paniniwala na ang SK ay sagabal sa pagsisikap ng ating mga kabataan sa pagtuklas ng mga kaalamang walang kamandag ng pulitika. Ang 15-anyos na kabataan ay hindi pa dapat isabak sa isang gawaing magiging sagwil sa kanilang mga pangarap; sa kanilang pagtapak sa landas ng karunungan.