IPINAHAYAG ni United States President Donald Trump nitong Sabado na maaaring sa susunod na tatlo o apat na linggo ay makikipagkita siya kay North Korean Leader Kim Jong-Un, ito ay sa gitna nang malaking pag-asang makakamit sa kanilang pagpupulong ang minimithing denuclearization sa Korean Peninsula.
Isang araw bago ang anunsiyo nitong Biyernes, nabanggit ni Kim kay South Korean President Moon Jae-In na inaasahan niya ang pakikipagpulong kay Trump. “Once we start talking, the US will know that I am not a person to launch nuclear weapons at South Korea, the Pacific, or the United States,” bahagi ni President Moon spokesperson Yoon Yuong-chan sa sinabi ni Kim.
Sa katatapos lamang na pagpupulong sa pagitan ng mga pinuno ng North at South Korea, nagkasundo ang dalawa na opisyal na ideklara ang pagtatapos ng Korean War noong 1950-1953 na nagtapos lamang sa isang armistice at hindi isang kasunduang pangkapayapaan. Sang-ayon din ang dalawang pinuno na isulong ang “complete denuclearization” sa Korean Peninsula.
Inanunsiyo ng North Korea na inihinto na nito ang lahat ng nuclear at missile test at tuluyan nang isinara ang nuclear testing grounds, bagamat ang matibay na pag-uusap at aktuwal na kasunduan dito ay tila nakalaan sa darating na pagpupulong nina Trump at Kim.
Bilang kapalit, maaaring hingin ng North Korea na tuluyan nang alisin ang tropa ng US na nakadestino sa South Korea at ang nuclear umbrella na nagpoprotekta sa South Korea at Japan. Sinabi ni Trump nitong Sabado na nakaroon siya nang mahabang pakikipag-usap kay Pangulong Moon at kay Japan Prime Minister Shinzo Abe.
Ang ating Pangulong Duterte, na una nang tinawag si Kim Jong-Un na mapanganib na maniac na maaari umanong magsimula ng digmaang nuclear sa rehiyon, ay nagpahayag nitong Linggo sa isang press conference sa Davao na “with one master stroke, Kim has become a hero. He has become my idol... Someday, if I get to meet him, I’d like to congratulate him.”
Sa isang punto sa nakalipas na North-South summit, malaki ang naging papuri kay South President Moon, may ilan pang nagmungkahi na gawin siyang kandidato para sa Nobel Peace Prize. Tunay ngang malaki ang naging bahagi ni Moon para sa lahat ng magandang nangyayari ngayon. Subalit may darating pang pagpupulong sa pagitan nina Trump at Kim sa loob ng tatlo hanggang apat na linggo.
Kapag naabot sa darating na pagpupulong ang matatag at tiyak na kapayapaan, ang Peace Prize ay kailangang paghatian ng tatlong pangulo para sa pagtatapos ng banta ng nuclear na matagal nang ikinababahala ng buong mundo, ngunit lalo’t higit sa mga bansa sa bahaging ito ng daigdig, kabilang na ang Pilipinas