Ni Celo Lagmay
HANGGANG ngayon, hindi mapagnit sa aking kamalayan ang larawan nina South Korean President Moon Jae-in at North Korean leader Kim Jong Un; mahigpit na magkadaupang-palad samantalang sabay na yumayapak sa demarcation line—ang guhit na sumasagisag sa paghihiwalay ng dalawang bansa simula nang sumiklab ang 1950-53 Korean War, makalipas ang mahigit na pitong dekada.
Natitiyak ko na ang naturang madamdaming eksena ay hindi lamang simula ng isang bagong kasaysayan kundi ito ay maituturing na simbolo ng nalagot na hidwaan ng South at North Korea. Isipin na lamang na sa pagtatagpo ng dalawang lider, sabay silang naglakad sa Demilitarized Zone (DMZ), magkahawak-kamay at nagyakapan bilang pagpapamalas ng matalik na pagkakaibigan.
At sa idinaos na makasaysayang summit o pagpupulong na puspos ng simbolismo, nagkasundo ang nabanggit na mga lider na tutukan ang pangmatagalang kapayapaan at denuclearization ng magkahiwalay na peninsula. Nangangahulugan na mapapawi na ang agam-agam ng mamamayan ng North at South Korea na matagal na panahong hindi halos nagkakatanawan sapagkat sila ay pinaghiwalay ng mga hidwaan at digmaan. Naniniwala ako na hindi na sila matutulig at mababagabag ng mga pagpapasabog ng nuclear weapons at iba pang armas at tiyak na mananaig ang katahimikan.
Sumagi sa aking utak ang Germany, ang bansa na minsan ding binagabag ng paghihiwalay ng teritoryo; matagal na nahati ang Berlin na pinagharian ng magkasalungat na ideolohiya—ang East Berlin na isang komunismo at West Berlin na isang demokratiko. Isang mataas na pader ang nakapagitan sa nabanggit na mga estado.
Matagal na nagtiis sa gayong sitwasyon ang mga Aleman.
Isipin na ang mamamayan ng East at West Berlin ay hindi man lamang nagkikita-kita at nagkakasalu-salo samantalang pader lamang ang kanilang pagitan. Sa kalaunan, nagising din sa katotohanan ang mga Aleman na kailangan nilang mamuhay nang malaya at tahimik sa isang bansang demokratiko na tinaguriang One Germany.
Sa anu’t anuman, umaasa ang sambayanang Pilipino na ang madamdaming pagkakaunawaan ng nabanggit na Korean leaders ay tutularan nina Pangulong Duterte at Founding Chairman Jose Ma. Siso ng Communist Party of the Philippines (CPP). Sa gayon, natitiyak ko na hindi na magiging mailap ang lasting peace o pangmatagalang kapayapaan sa ating bansa. Hindi na natin masasaksihan ang pagdanak ng dugo na bunsod ng labanan ng mga kapuwa mga Pilipino. At lalong hindi mahahati ang ating bansa, tulad ng nangyari sa Korea at Germany.