Ni Dave M. Veridiano, E.E.
TAAL na Manileño ako. Kahit halos 25 taon na kaming naninirahan dito sa Quezon City, naiwan pa rin sa Tondo ang malaking bahagi ng aking puso at damdamin dahil malaki ang utang na loob ko sa siyudad na aking kinapanganakan at kinalakihan, bukod pa sa libreng edukasyon na aking nakuha mula sa elementarya hanggang sa kolehiyo.
Ang pinakamasasayang araw na masarap gunitain at balik-balikan sa aking alaala – mula sa pagkabata hanggang sa pagbibinata – ay dito lahat naganap sa Maynila. Kaya nga noong araw na magpasiya na akong lumipat sa bahay na nabili namin sa Barangay Bagbag sa Novaliches, mabigat na mabigat ang loob ko sa ginawang paghahakot ng mga gamit, upang permanente nang manirahan sa bahay na halos limang taon din nakatiwangwang dahil urong-sulong kami sa paglipat!
Ngunit saglit lamang ang naramdaman kong pagsasalawahan. Papasok pa lamang ang sasakyan sa loob ng subdibisyong aming lilipatan ay agad akong nabighani sa napakasarap na samyo at mabining dapyo ng hanging sumalubong sa aming pagdating. Bukod pa rito ang kaaliw-aliw na tanawin ng naglulundagang palaka patawid sa kalsadang aming tinatahak, gayundin ang mga baka at kambing na nanginginain ng talahib sa ilang bakanteng lote sa magkabilang bahagi ng maluwang na main road.
Saglit na panahon lamang ay ‘di na kami na “homesick” sa aming dating bahay sa Maynila, at mas lalo pa ngayon na tuwing mapapasyal kami ng buong pamilya sa dating lugar na sinilangan ng aming mga tsikiting na sa pakiwari ko’y “nasisikipan” sa dating mundong kanilang ginalawan!
Gayunman, nang dumating ang takdang panahon, at dahil sa tawag ng pag-ibig – ang aking panganay na si Jojo ay ninais nang bumukod nang magkapamilya at ang piniling lugar, ang aming “ancestral home” sa Tondo, na kalapit bahay lang ng tirahan ng kanyang “childhood sweetheart” na si Fathy.
Ito ang dahilan kaya madalas pa rin akong nagpupunta sa Maynila, bukod pa sa paglilibot ko sa mga paborito kong lugar sa Quiapo, Sta. Cruz, Binondo at Divisoria, na bilihan ko ng mga gadget at kung anu-anong makukutingting na gamit sa bahay.
Nitong mga nakaraang linggo, napadalas ako sa Intramuros, sa National Press Club (NPC) at labis kong ikinagulat ang iginanda nito – nagniningning sa gabi at sa malayo pa lang ay nakakaengganyo na lumapit para mapakinggan ang mga tugtugin. Ang minsang pagpunta ko rito ay naging paulit-ulit, na hindi ko nagawa noong mga nakaraang pamunuan dito.
‘Di ako manginginom, ngunit sapat na sa akin ang masarap na pagkain at masayang tugtugan ng mga musikero at banda, sa dating nakatiwangwang na bahagi sa NPC, na binansagan nila ngayong “BAMBOO” sa Intramuros, upang mapagkit ako sa aking kinauupuan ng ilang oras. Mabuhay kayong mga opisyal ng NPC, sa pamumuno ni NPC Prexy Paul M. Gutierrez, na bumalikat sa pagbabagong ito – sana’y maipagpatuloy ang mga proyektong ganito ng mga mahahalal na opisyal ng NPC sa darating na eleksiyon sa Mayo 6.
Ang nakalulungkot na tanawin – sa aking pag-uwi, nakagawian ko munang maglakad-lakad sa ilang pangunahing lugar – at sa aking naraanan, gabundok ang basura sa gilid ng mga kalsada at bangketa, bukod pa sa umaalingasaw na mapanghi at naglalawang mga sulok sa lugar!
Karamihan kasi sa pangunahing distrito sa Maynila, na matao buong maghapon, bago maghatinggabi ay biglang nababalot ng nakasusulasok na amoy mula sa mga nakatambak na basura sa buong paligid…Kasabay nito ang pagsulputan ng magkakatabi sa pagtulog, na mga taong ang kama ay ang mahabang sementadong gilid ng mga bangketa!
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]