Ni Clemen Bautista
MARAMI sa ating kababayan, partikular na ang mga Kristiyanong Katoliko, ay may kani-kaniyang patron saint o patron pintakasi. May itinakdang araw kung kailan tinutupad nila ang panata sa kanilang patron saint. Kung minsan, ginagawa sa kaarawan ng may panata. Ang iba naman ay sa kapistahan ng patron saint.
May mga kababayan din tayo na may panata sa Mahal na Birhen. Pinupuntahan ng may mga panata sa Mahal na Birhen sa araw ng pagdiriwang ng kapistahan. Dumadalo sa misa at sumasama sa prusisyon ang mga may panata. Sa Rizal, mababanggit na halimbawa ang Mahal na Birhen ng Kapayapaan at Mabuting Paglalakbay na ang national shrine ay nasa katedral ng Antipolo. Ang imahen ng Birhen ng Antipolo ay dinala rito sa Pilipinas, mula sa Mexico, ni Governor General Juan Nino de Tabora noong Hunyo 18, 1626. Nang mamatay ang governor general, ibinigay ang imahen sa mga paring Heswita sa Intramuros, Maynila at ito’y kanilang dinala sa Antipolo nang pangasiwaan ang mga bayan sa Morong District, na ngayon ay Rizal na.Tuwing Mayo, dagsa ang mga may panata at debosyon sa Mahal na Birhen ng Kapayapaan at Mabuting Paglalakbay. May iba’t ibang dahilan ang pagkakaroon ng panata at debosyon. Naligtas sa isang matinding kapahamakan o sakuna, gumaling sa karamdaman, natanggap sa trabaho, nabiyayaan ng anak, nakapasa sa board at bar exam.
Sa pagtupad ng panata sa Mahal na Birhen ng Antipolo, may mag-anak, mag-asawa, magkasintahan, mga binata, dalaga, biyuda at mga senior citizen. At ang isa sa mga natatangi sa pagtupad ng panata ay ang nagaganap sa gabi ng Abril 30 hanggang sa madaling araw ng Mayo Uno. Ang sama-samang panata ay tinatawag na ALAY LAKAD PAAHON SA ANTIPOLO. Ang pag-ahon sa Antipolo na “Pilgrimage Capital of the Country” ay ang simula ng Maytime Festival, na pinangungunahan ni Antipolo City Mayor Jun Ynares. May inihandang iba’t ibang aktibidad na may kaugnayan sa buwan ng Mayo.
Ang Alay Lakad Paahon sa Antipolo ay inihudyat ng pagdadala ng replika ng Mahal na Birhen ng Antipolo sa simbahan ng Quiapo, Maynila. Mula sa katedral ng Antipolo, dinala sa pamamagitan ng isang motorcade ang imahen ng Birhen ng Antipolo kahapon ng umaga (Abril 29). Ang tradisyunal na pagdadala ng replika ng imahen ng Mahal na Birhen ng Antipolo ay tinatawag na “Pagdalaw ng Birhen ng Antipolo sa Poong Nazareno”.
Matapos ang misa sa simbahan ng Quiapo sa gabi ng Abril 30, sisimulan ang motorcade ng pilgrim image ng Mahal na Birhen ng Kapayapaan at Mabuting Paglalakbay patungo sa Antipolo. Pagsapit sa tapat ng Meralco building sa Origas Avenue, Pasig City, sasabay sa motorcade ang mga naglakad mula sa Metro Manila paahon ng Antipolo.Sa Sitio Kaytikling, Taytay, Rizal naman nagsisimulang maglakad paahon ang mga debotong mula sa mga bayan sa eastern Rizal tulad ng Angono, Binangonan, Cardona, Morong, Baras, Tanay, Pililla, at Jalajala.Sa pangangalaga sa kaayusan at kaligtasan ng mga kasama sa Alay Lakad, nagtalaga ang Rizal Police Provincial Office (RPPO) ng mga pulis sa Ortigas Avenue extension, sa bahagi ng Cainta at Taytay. Kabalikat ng RPPO ang mga barangay tanod ng Cainta, Taytay at iba’t ibang civic organization. May augmentation din na mga kawal mula sa Camp Capinpin, Tanay, Rizal. Sa Antipolo City, may naka-deploy ding tauhan ng Antipolo PNP sa harap at paligid ng Antipolo Cathedral para sa kaayusan at kaligtasan ng mga deboto.Ang mga naglalakad paahon sa Antipolo ay nakakarating sa katedral ng Antipolo sa ganap na 4:00 ng madaling araw ng Mayo Uno. Matapos magsimba, magdasal at magpasalamat sa Mahal na Birhen ng Antipolo, may namimili ng mga pasalubong at souvenir at nagbibiyahe na pabalik sa kani-kaniyang bayan taglay ang iba’t ibang alaala at karanasan sa pagtupad ng panata sa Mahal na Birhen ng Kapayapaan at Mabuting Paglalakbay.