Ni Clemen Bautista
SA alinmang sekta ng relihiyon lalo na sa mga Katoliko, ay may mga pari at madreng missionary. Sila ang ipinadadala o boluntaryong nagtutungo sa mga malalayong lugar, mga bundok, lugar ng mga mahihirap at iba pang pook na hindi nararating ng pamahalaan.May iba’t ibang kongregasyon ang mga pare at madre. May mga misyonero rin ang ibang sekta ng relihiyon. Pangunahing layunin ay maihasik ang binhi ng Kristiyanismo sa mga naninirahan sa malalayong lugar.
Makatulong sa pag-angat ng buhay at kabuhayan sa pammagitan ng iba’t ibang proyekto. Tumulong din na maiparating sa pamahalaan ang mga pangangailangan ng mga naninirahan sa mga liblib at malalayong lugar na hindi o bihirang marating ng tulong ng gobyerno.
Ang mga madre at pareng missionary ay may “vow of poverty” o tinalikuran ang yaman at namumuhay sa kahirapan. Sa pagiging mga missionary, nakararanas sila ng iba’t ibang mga pagsubok at hamon sa kanilang mga gawain. Nalalagay sa panganib ang kanilang buhay. Kung minsan, hindi maiwasan na may napapatay na mga missionary sa pagtupad ng kanilang tungkulin bunga ng kalupitan ng grupo ng mga taong walang kinikilalang Diyos at kontra sa ginagawa ng mga missionary.
Ang kamatayan ay bahagi ng buhay at mga sakripisyo ng mga religious missionary.
Mababanggit na halimbawa si Sister Patricia Fox, isang 71-anyos na Australian missonary ng Our Lady of Sion Congregation. May 28 taon na siyang missionary sa Pilipinas mula pa noong 1990. Tumulong sa mahihirap na magsasaka at iba pang tribo sa malalayong lugar o rural area at mga urban center. Bilang missionary, si Sister Fox ay nakatulong sa mga proyektong nag-angat ng kabuhayan ng mga magsasaka. Nagsulong ng mga karapatan sa lupa, kapayapaan, katarungan seguridad at mga karapatang pantao.
Nagkaroon ng problema si Sister Patricia Fox nang iutos ni Pangulong Rodrigo Duterte na siya ay imbestigahan ng Bureau of Immigration dahil sa kanyang “disorderly conduct”. Ang madreng Australian ay napaghinalaang sumasama sa mga kilos-protesta na hindi dapat gawin ng isang dayuhan sa ating bansa.
Ang 71-anyos na si Sister Patricia Fox ay pinuna ng Pangulo sa pagkakaroon ng “shameful mouth” o masama at nakahihiyang bibig at binalaan na hindi papayagan ni Pangulong Duterte ang mga bisitang dayuhan na insultuhin ang Pilipinas, na ayon sa Pangulo ay paglabag sa soberanya ng bansa.
Pinuntahan ng mga taga-Immigration si Sister Patricia Fox sa bahay niyang tinutuluyan sa Quezon City. Dinampot at ikinulong ng may 24 oras sa Bureau of Immigration. Makalipas ang isang araw, iniutos na ng Bureau of Immigration sa Australian nun na umalis na sa ating bansa sa loob ng 30 araw. Sa isa pang utos ng Bureau of Immigration, ang missionary visa ng madre ay pinawalang-bisa na. Ang expiration sana ng missionary bisa ay sa Setyembre 5, 2018 pa.
Pati alien certificate of registration ni Sister Fox ay pinawalang-bisa na rin.
Ayon sa paliwanag ni Immigration Commissioner Jaime Morente, si Sister Patricia Fox ay natuklasan na sumama sa mga gawain na hindi ipinahihintulot na nakalagay sa kanyang visa. Sa utos ng Pangulo sa Bureau of Immigartion, si Sister Fox ay ipinade-deport.
May iba’t ibang reaksiyon sa nangyari kay Sister Patricia Fox. Ayon sa abogado ng madre, hihilingin nila sa Bureau of Immigration ang consideration sa desisyon kahit na lumilitaw na ang ginawa ay batay sa mga utos ng Pangulo. Babala naman ng legal counsel ng madre: Ang ginawa ng administrasyon kay Sister Patricia Fox ay maaaring maging tanda ng isang “dangerous precedent” sa iba pang mga missionary at human rights worker sa Pilipinas.
Sa paglalarawan naman ni Fr. Oliver Castor, ng Rural Missionaries of the Philippines, ang ginawa ng gobyerno ay isang “religious persecution”at bahagi ng sistematikong pagpapatahimik sa mga kritiko ng pamahalaan. May nag-protest rally naman na mga supporter ng madre sa harap ng Bureau of Immigration.
Nanindigan naman ang tambolero ng kawanihan na may nilabag sa batas ng Pilipinas si Sister Patricia Fox, sa pamamagitan ng paglahok sa mga gawain bukod pa sa kanyang pagiging missionary. Maaaring ang tinutukoy ng tambolero ng Bureau of Immigration ay ang paglahok ng madre sa mga kilos-protesta.
Sa gagawing pagpapatapon kay Sister Patricia Fox, sinabi niya na sa unang pagkakataon, nakaranas siya ng pressure sa gobyerno. Hindi siya sanay sa ganitong uri ng pagpansin. Ngunit ang buhay niya ay narito sa Pilipinas.
May iba’t ibang mukha ang buhay at sakripisyo ng mga religious missionary. Puno ng problema at mga pagsubok. Kung minsan, ang buhay nila ay nalalagay sa panganib. May nauusig. Kinikidnap at ipinatutubos sa kanilang kongregasyon.
Binibihag. May napapatay at pinapatay sa kanilang pagmimisyon.