Ni Ric Valmonte
KINANSELA ng Bureau of Immigration and Deportion (BID) ang missionary visa ni Australian nun Patricia Fox at binigyan ito ng 30 araw para lisanin ang bansa. Ang reklamong madre ay hindi man lang siya binigyan ng pagkakataong ipaliwanag ang kanyang panig. “Ayon sa mga naging desisyon ng Korte Suprema, ang banyaga na pumasok sa bansa ay sakop na ng probisyon ng Constitution na naggagarantiya ng karapatan sa due process of Law,” wika ng kanyang abogado na si Jobert Pahilaga. Pinangangunahan na aniya ng pagpapalayas sa kanyang kliyente ang proseso ng batas na dapat pairalin ayon sa kanyang karapatan sa due process.
Pero, ang ginawa pala ng BID sa madre ay tulad ng ginawa ng mga kaalyado ng Pangulo kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno. Ang ginawa sa Punong Mahistrado ay sinampahan ng kasong quo warranto sa Korte Suprema para ito mapatalsik agad. Eh nag-aatubili pa ang Kongreso sa pagpapagulong ng impeachment case laban sa kanya, na siyang tamang proseso na idinidikta ng Saligang Batas. Ang ginawa kay Australian nun Patricia Fox ay binago ang kanyang missionary visa na mapapaso pa sa darating na Setyembre. Ginawa itong tourist visa na may bisa lamang ng 30 araw. Ang legal na proseso na naaayon sa kanyang karapatan sa due process sa ilalim ng Constitution ay deportation proceedings. Kaya, iyong ginawa ng BID na binibigyan ng 30 araw ang Australian nun para lisanin ang bansa ay batay sa pagkansela ng kanyang missionary visa na ginawa itong tourist visa. Nagmamadali ang adminstrasyon sa pagpapalayas sa madre. Hindi na siya isinailalim sa deportasyon dahil kukuha pa ito ng panahon. Bukod dito, sa Setyembre pa mage-expire ang kanyang missionary visa.
Ito ang hirap sa adminstrasyong ito. Ayaw niyang makaririnig ng sumasalungat sa kanya. Ayaw niyang mayroong tulad ni CJ Sereno at Sen. Leila Delima na haharang-harang sa kanyang pamamaraan ng pamamahala. Ayaw niyang mayroong nagsasabi ng kabilang panig ng kanyang ginagawa. “Partisan political activity” raw ang nagawang kasalanan ng madre kaya pinalalayas niya ito. Eh 27 taon na itong nasa bansa na tumutulong at nakikiisa sa mga magsasaka at mga Pilipinong napapabayaan na nasa laylayan ng lipunan. Kaya ang sabi ni Atty. Pahilga: “Ang panawagan ba na itigil ang pagpatay sa mga magsasaka ay partisan political activity? Hindi, bahagi ito ng misyong itaguyod ang social justice at human rights.” Pero, sa administrasyon ay “partisan activity” ito, sa kanyang pagnanais na manaig ang katwiran ng lakas at hindi ang lakas ng katwiran.