Ni Celo Lagmay
HALOS araw-araw ay may inuulat na preso na nagiging biktima ng heat stroke at iba pang karamdaman; kung sila man ay naisusugod sa mga ospital, ang ilan sa kanila ay hindi na naililigtas sa kamatayan.
Naniniwala ako na ang gayong kalunus-lunos na situwasyon ay dahilan sa masyadong pagsisikip ng mga piitan. Matagal nang nabunyag ang estadistika na nagpapatunay na ang ilang bilangguan na para lamang sa 100 preso, halimbawa, ay kinapipiitan ng halos 500 bilanggo. At ito ay nasasaksihan sa mga detention cell sa iba’t ibang panig ng bansa.
Maliwanag na ang nabanggit na problema ay produkto ng kapabayaan ng kinauukulang mga ahensiya ng gobyerno. Ang konstruksiyon ng karagdagang mga piitan -- o ang rehabilitasyon ng mga ito -- ay obligasyon ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa pamamagitan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), kung hindi ako nagkakamali. Paulit-ulit na binibigyang-diin ng ilang Senador na may sapat na pondo para sa pagpaggawa ng mga piitan. Ang ganitong kapabayaan ay sinasadya kaya ng naturang ahensiya upang pasamain ang Duterte administration?
Isa pang kapani-paniwalang dahilan ng pagsisikip sa mga piitan ang pagdagsa ng mga preso na sinasabing mga biktima ng mabagal na pag-usad ng katarungan. Sila ay kailangan munang ipiit habang nililitis ang kani-kanilang mga asunto. Katunayan, may mga ulat na ang isang preso na umano’y dapat lamang hatulan ng ilang buwang pagkabilanggo ay matagal na panahon nang nananatili sa mga piitan. Ang ganitong nakapanlulumong sitwasyon ay sinasadya kaya ng mga may pananagutan sa mabilis na paggulong ng katarungan -- mga abugado at mga hukuman -- upang maging batik din sa administrasyon?
Ngayon ko naunawaan kung bakit laging ipinahihiwatig ng isang kapatid sa media nang tayo ay aktibo pa sa pamamahayag: Ang mga preso, ipinipiit na ay pinapatay pa. Ibig sabihin, sila ay kailangang ikulong dahil sa kanilang paglabag sa mga batas; sila ay namamatay naman dahil sa masisikip na piitan na nagiging dahilan ng kanilang malulubhang karamdaman.
Totoo na sila ay minsang naging salot ng lipunan. Subalit pananagutan ng pamahalaan na igalang ang kanilang karapatang pantao, pangalagaan ang kanilang kalusugan at hindi dapat pagkaitan ng kanilang mga pangangailangan, lalo na sa mabilis na hustisya. Sa gayon, napapawi ang paniniwala na ang mga preso ay kinakawawa, ikinukulong na ay pinapatay pa