Ni NORA V. CALDERON
IBA talaga ang dedication ni Yasmien Kurdi sa kanyang pagiging mahusay na artista at dito sa afternoon prime drama series niyang advocaserye na Hindi Ko Kayang Iwan Ka.
Minahal na ni Yasmien ang teleserye dahil sa tema nito, kaya gagawin niya ang lahat, kahit buwis-buhay pa ang eksena, kahit pa ang mga pananakit na inaabot niya sa mga naunang eksena. Bakit umabot doon ang buwis-buhay na eksena?
“Nawalan na po kasi ako ng pag-asa na mabawi ko pa ang mga anak ko sa ama nilang si Marco (Mike Tan) dahil na-brain-washed na siya ng ina niyang si Adel (Gina Alajar) na tama lamang lumayo sila sa akin dahil may HIV nga ako sa story,” kuwento ni Yasmien.
“Noong una kasi akala ko nabawi ko na sila pero may nangyari nang masagasaan ang isa sa kambal ko si Maurice (Sef dela Cruz). Wala nang dahilan para hindi nila makuha sa akin ang mga anak ko. Kaya left alone, ginusto ko nang magpakamatay.
“Sa Jones Bridge po ang eksena na tatalon ako, at hindi ako pumayag na hindi ako ang gumawa ng eksena. Alam ko naman po na hindi ako pababayaan ng production kaya hindi ako gumamit ng double. It’s good po na last Saturday namin ginawa ang eksena at walang masyadong tao, hindi naman po ako nagkaroon ng nerbiyos na gawin ang eksena.”
Mapapanood pa lamang ngayong week ang eksenang iyon at hahangaan ninyo ang professionalism ni Yasmien bilang si Thea.
Napapanood ang Hindi Ko Kayang Iwan Ka araw-araw after ng The StepDaughters. Congratulations sa mataas na rating nila, kaya extended ulit ang soap nila.
Tiyak namin inspired si Yasmien magtrabaho dahil ipinasilip na niya sa kanyang Instagram ang new acquired 3-bedroom house nila ng husband niyang pilot, si Rey Soldevilla at ng anak nilang si Ayesha, somewhere in Muntinlupa City. Iyon daw ang napili nila dahil maganda ang location at malapit sa airport at hindi mahirap kay Rey ang pagpasok sa trabaho nito.