Ni Bert de Guzman
NAIIBA si Acting Supreme Court Chief Justice Antonio Carpio tungkol sa isyu ng West Philippine Sea (WPS), kaugnay ng gusot nito sa dambuhalang China, kumpara sa
mga pinuno at mambabatas na dapat ay manguna rito. Para sa kanya, kailangang maghain ng protesta ang Pilipinas hinggil sa paglapag ng dalawang military aircraft ng China sa Panganiban Reef (Mischief Reef) na saklaw ng teritoryo ng ating bansa.
Ayon kay Carpio, dapat magprotesta ang Pilipinas sapagkat ang pananahimik ng bansa ay maaaring ipakahulugan ng China na “consent” o pag-ayon sa anumang gusto nilang gawin sa Mischief Reef at iba pang reef at shoals na saklaw ng 200-nautical mile ng bansa.
Kontra si Carpio sa mga pahayag at paninindigan ni Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD) tungkol sa WPS. Ayaw daw niyang makipag-away sa China sapagkat imamasaker lang ng Chinese military ang mga sundalo at pulis natin kapag nagkaroon ng komprontasyon sa dagat.
Tugon ni Carpio at ex-Paranaque Rep. Roilo Golez, hindi naman makikipaggiyera ang ‘Pinas sa higanteng China kundi ipoprotesta lang ang ginagawa nitong pag-okupa at pagmi-militarize sa ilang reef sa WPS. Sabi nga ng iba, dahil sa pagiging tameme ni Mano Digong sa WPS, lalong lumalakas ang loob ng bansa ni Xi Jinping na okupahin at i-militarize ang nasabing lugar.
Binanatan ni SC Acting Chief Justice Carpio ang Department of Foreign Affairs (DFA) dahil sa posisyon nito sa PH reef incident. “If we dont protest, we acquiesce. We consent impliedly, (we lose).” Si Carpio ang sana’y dapat na piniling SC Chief Justice ni ex-PNoy dahil sa taglay na karanasan at wisdom. Siya ang lalaking may tunay na “balls”. Pero ang pinili niya ay si Ma. Lourdes Sereno na bukod sa napakabata ay kulang pa sa karanasan.
Gayunman, sina Sereno at Carpio ay kapwa kontra-pelo ng ating Pangulo. Si Sereno ay “kaaway” ngayon ni PRRD at nais na mapatalsik sa puwesto samantalang si Carpio ay mahigpit na kritiko ng Presidente sa mga isyu na may kinalaman sa WPS.
Iginiit ni Carpio na dapat mapanatili ng ‘Pinas ang mga karapatan nito sa WPS. “No, we dont agree to the (landings). That’s ours (Panganiban Reef). It remains (disputed) . If we dont protest, (for them), it’s no longer disputed”. Ano ang masasabi ninyo mga kongresista at senador? Dapat ay kayo ang nangunguna sa paghayag ng pagtutol sa pananakop o pag-ookupa ng mga reef na talagang atin!