PNA
PINAGTUTUUNAN ngayon ng Department of Health (DoH) ang planong pag-develop ng mga test kits na makatutukoy kung positibo o negatibo ang isang pasyente sa sakit na dengue.
Ibinahagi ni DoH Undersecretary Rolando Enrique Domingo na makikipagtulungan ang ahensiya sa mga eksperto ng Department of Science and Technology (DoST) at sa mga mananaliksik ng Philippine Council for Health Research and Development (PCHRD), para sa pagdi-develop ng mga test kits.
“We had a meeting with PCHRD last week and all the potential researchers and the decision of the expert groups and the secretaries of DOST and DOH is that we’re going to try to develop all three possible test (kits),” pahayag ni Domingo sa panayam sa media.
Sinabi ni Domingo na ang mga test kits na idi-develop ay produkto ng mga mananaliksik mula sa University of Pittsburgh, University of Hawaii at mula sa isang unibersidad sa Taiwan.
Ayon sa kanya, plano ng ahensiya na dalhin sa bansa ang tatlong research, kasama ang teknolohiya, upang malaman kung alin sa tatlong pag-aaral ang makatutulong at tutugma sa kailangan ng bansa.
Dagdag pa niya, ang nais na plano ng ahensiya ay ang mai-develop ang pinakamaayos na test kit na makatutukoy kung nagkaroon na ng exposure ang isang bata sa dengue bago turukan.
Mahalaga para sa DoH na malaman kung una nang na-expose ang bata sa dengue.
Una nang inamin ng Sanofi Pasteur, ang manufacturer ng Dengvaxia, na maaaring magkaroon ng sever dengue ang naturukan ng dengue vaccine kung hindi pa ito na-expose sa dengue.
Ang test kit ay may kinalaman sa naging rekomendasyon ng World Health Organization zero (WHO) Strategic Advisory Group of Experts (SAGE) na magsagawa muna ng test sa isang indibiduwal upang malaman kung zero-negative o zero-positive ito sa dengue bago turukan ng Dengvaxia.
Samantala, sinabi ni Domingo na pumayag si DoH Secretary Francisco Duque III na magbigay ng pondo para sa test kit.