Ni Bert de Guzman
SA pagpapasara ng Boracay Island dahil daw sa pagiging “cesspool” nito, saan maghahanap-buhay ang tinatayang 36,000 tao, manggagawa, kawani, at residente ng isla para sa kanilang mga pamilya? Tinataya ring may P30 bilyon hanggang P50 bilyon ang mawawalanng kita o revenue ng gobyerno at ng mga pribadong negosyo sa pagsasarang ito.
Hindi umubra sa administrasyong Duterte ang mga dayuhan na bumabatikos sa drug war ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte (PRRD). Noong nakaraang Linggo, hinarang ng Bureau of Immigration (BIR) sa Mactan-Cebu International Airport si Giacomo Filibeck, deputy Secretary General ng Party of European Socialists (PES). Ipinatapon din siya at pinabalik sa pinanggalingan.
Nakatakdang dumalo si Filibeck sa dalawang araw na Akbayan Party-list Congress kasama ang 20 dayuhang delegado. Ang Akbayan ay sister party ng PES. Ang ibang delegado ay pinapasok sa Pilipinas maliban lang kay Filibeck. Siya ay hinarang dahil umano sa illegal political activities. Bukod sa pagbatikos sa giyera sa droga ni PRRD, nanawagan din siya noon na palayain si Sen. Leila de Lima.
Siyanga pala, nagtext sa akin si Sel Baysa, matagal kong nakasama sa Department of National Defense (DND) coverage.
Ibinalita niya ang tungkol sa bagong programa sa Radyo ng Pilipinas, ang “Better Call Sel” o BCS mula 11:00 ng gabi hanggang 1:00 ng madaling araw.
Si Sel ay dating anchorman at field reporter ng Radyo Patrol ng ABS-CBN. Nagsulat din siya sa Manila Bulletin.
Maituturing si Sel na isang public service-oriented broadcaster. Ayon sa kanya, ang BCS ay nagiging popular ngayon sa mga nakikinig at sumusubaybay, lalo na ang mahilig sa mga awitin. Di kaya sila ay mga senior citizen na hindi makatulog Sel, o may mga millennials din?
Binibigyan din daw niya ng pagkakataon ang kanyang listeners na kumanta o bumigkas ng tula sa talent portion ng programa mula hatinggabi hanggang 12:30 ng umaga. Ano pa ang hinihintay ninyo mga kababayan? Senior citizens man kayo o millenial, subukan ninyong pakinggan ang BCS ni Sel Baysa na nakasama ko noong kabataan namin sa journalism.
Nalalapit na ang Barangay at Sangguniang Kabataan elections (BSKE) na kung ilang beses ipinagpaliban. Sana ay iboto natin ang mga opisyal ng mga barangay na hindi sangkot sa illegal drugs. Iboto rin natin ang mga kabataan na magiging mga pinuno ng ating bayan balang araw.
Inuulit ko ang sinabi ni Rizal na, “Nasa kabataan ang pag-asa ng bayan.” Nais ko ring ulitin ang panawagan ni PDu30 na hindi dapat wasakin ang kinabukasan ng mga kabataan sapagkat handa siyang pumatay para sa kanila!