Ni ANNIE ABAD

VIGAN, ILOCOS SUR (via STI) – Tinanghal na ‘Sprint King’ si Veruel Verdadero ng CALABARZON nang pagwagihan ang secondary boys 100m sa bagong marka na 10.55 segundo kahapon sa Palarong Pambansa sa Elpidio Quirino Stadium.

Nabura ni Verdadero ang dating record na hawak ni Feberoy Kasi ng SOCCSKSARGEN Region na 10.75 noong 2016.

Sa trial pa lamang, nauna nang binasag ng 16 -anyos na si Verdadero ang nasabing rekord matapos nitong itala ang 10.65.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

“Pinilit ko po talagang ma break ‘yung record kasi nagawa ko na po noong trial pa lang so pinilit ko na pong ulitin ‘yung una kong ginawa,” pahayag ng incoming Grade 11 na estudyante ng Emilio Aguinaldo College.

Nakakuha ng limang ginto si Verdadero sa limang events na sinalihan niya noong Palarong Pambansa 2016 na ginanap sa Antique. Nakatakdang lumaban sa 400m run ngayong araw na ito ang nasabing Philippine Sportswriters Association (PSA) awardee, bukod pa sa 200m at dalawang relay events.

“Medyo hindi po ako sure kung makukuha ko po yung 400m ngayon. Pero i’ll try my best po para makuha ko yung gold,” ayon pa sa batang atleta na tubong Dasmarinas Cavite.

Samantala, dalawang pambato pa ng CALABARZON ang nagpakitang gilas sa 100m secondary girls at elementary boys sa katauhan nina Jessel Lumapas at Romeo Carmona na pumitik ng tig-isang ginto buhat sa kani-kanilang event.

Sa high jump secondary boys, namayagpag ang pambato ng Ilocos Region na si Brian Kent Celeste na nagtala ng 1.99m upang burahin ang lumang record ni Alexis Soqueno ng Western Visayas na 1.95m noong 2015 Palaro sa Tagum, Davao del Norte.

Ganito rin ang ginawa ni Avegail Beliran ng Western Visayas sa kanyang event na javelin throw elementary girls nang magtala ito ng 41.46 m upang balewalain ang naunang naitalang record ni Gia Bucag na buhat din sa Western Visayas noong 2010 edisyon ng Palaro.

Isa pang atleta buhat sa Central Luzon Region ang bumasag ng record sa Discus throw secondary boys sa katauhan ni Ed Delina ng Central Luzon Region matapos nitong tabunan ang 13 taong gulang na record ni Cliffor John Bonjoc ng Central Vizayas Region na 41.62 sa kanyang naitalang 42.67 distansya.

Ito ang huling beses na lalaro sa multi sports event annual meet ang tubong San Felipe Zambales na si si Delina na beterano na ng Palaro, kung saan nakapag uwi na rin siya ng ginto buhat dito noong 2106 at 2017 edisyon.

Bagama’t nilampasan din ang lumang record, pumangalawa lamang kay Delina ang pambato ng CALABARZON Region na si John Rafael Lanatan sa kanyang naitalang 41.85 sa distansya.

Sa arnis, nasungkit naman ni Princess Sheryll Valdez ng SOCCSKSARGEN ang kanyang ikalimang ginto matapos na magwagi sa team event ng ANYO single weapon. Dahil dito ay umakyat na sa 75 libong piso ang tatanggapin ng batang arnisador na magmumula sa City Government ng Region 12 bukod pa umano sa ipagkakaloob na insentibo ng Department of Education (DepEd).