Ni Ric Valmonte
NANG magkaroon na naman ng pagkakataon si Pangulong Duterte, binanatan na naman nito si Chief Justice Ma. Lourdes Sereno. Matagal na dapat, aniya, natanggal si Sereno sa Korte Suprema dahil “ignorant” sa batas. “Sa kasagsagan ng ating kampanya, sinabihan mo ang mga drug personalities: Huwag kayong paaaresto hanggang walang warrant of arrest.
Sinabihan kita na hindi kita susundin. Iyong batas mo ay bullshit,” sabi ng Pangulo. “Kapag may krimeng ginawa sa harap ng militar o pulis, kailangan pa ba ang warrant sa iyo? Kaya, sabi ko sa iyo, ikaw ay clumsy. Sa isang Chief Justice, hindi mo ito alam? Bakit ka magsasalita ng ganito? Kaya nagagalit ako sa iyo dahil kahit ang bumagsak sa Bar Examinations alam na pwedeng mang-aresto kahit walang warrant.”
Pero, sabi ng isang pahayagan: “Walang sinabi si Sereno tungkol sa Oplan Tokhang. Ang pinakamalapit na nabanggit ng Chief Justice ukol sa adminstration’s war on drugs ay ang pakiusap niya sa mga autoridad na mag-ingat sa paglista sa mga hukom bilang drug suspect. Trabaho ng hudikatura ang mag-imbestiga sa mga hukom na sangkot sa ilegal na droga.”
Lumalabas na ang dahilan kung bakit may impeachment case at quo warranto si CJ Sereno, na ang tanging layunin ay patalsikin siya sa pwesto at higit sa lahat ay ang nasa likod ng mga ito. Nang tanungin ni CJ ng Pangulo kung may kinalaman siya dito, nagalit siya at ang sabi ay “mula ngayon ay kalaban kita.” Batay sa banat ng Pangulo kay CJ kamakailan, noon pa man ay itinuring na niyang kalaban ito. Ikinagalit niya ang pakikialam nito sa kanyang war on drugs. Noong nagawang matakot ng Pangulo ang sambayanan sa kanyang pagpapairal ng war on drugs, dahil kaliwa’t kanan ang patayan na ang mga biktima ay sangkot umano sa droga, si CJ ang tumindig para sa karapatan ng mga hukom.
Kasi naman, noong panahong iyon, tuwing may pagkakataong gawin sa harap ng publiko, ay iwinawagayway ng Pangulo ang umano’y listahan ng mga opisyal na sangkot sa droga. At may mga pinatay na nasa listahan dahil sangkot daw sa droga. Iyong mga nasa listahan ay pinagreport sa Camp Crame para umano linisin ang kanilang pangalan. Nagsisunuran ang mga ito sa takot na mapatay. Mayroon ngang sumunod, pero napatay pa rin. Iyong pinangalanan ng Pangulo na drug lord noon ay muntik nang maabswelto ng Department of Justice (DoJ) kung hindi lang maagang lumabas ang desisyon ng panel of investigator na nagpapawalang-sala dito at kanyang mga kasamahan.
Matapang na sinalungat ni Chief Justice ang kautusan ng Pangulo na magreport ang mga hukom, na ang iba ay patay na at wala na sa serbisyo. Ito ang unang pagkakataon na nahayag ang kredibilidad ng listahan ng Pangulo. Ito ang unang pagkakataon na may sumalungat, bagamat magalang na ginawa, sa war on drugs ng Pangulo. Kaya, galit ang Pangulo kay CJ dahil ang ginawa ni Sereno, kahit paano, aniya, ay nagpalakas ng loob ng mga drug suspect. Nagpalakas ng kanilang loob dahil may nagsabi sa kanila na mayroon din silang karapatan.