Ni Celo Lagmay
MALIBAN marahil sa tinatawag na millenials, naniniwala ako na marami ang nakaaalam na si Nestor Mata ang tanging nakaligtas o lone survivor sa pagbagsak ng eroplanong sinasakyan ni Pangulong Ramon Magsaysay at 27 iba pa na kinabibilangan ng mga opisyal ng gobyerno at mga mamamahayag. Ang naturang presidential plane – ang Mt. Pinatubo – ay bumagsak sa Mt. Manungal sa Cebu noong Marso 17, 1957.
Kamakailan, makaraan ang 61 taon nang maganap ang nakapangingilabot na presidential plane crash, si Nestor – tulad ng nakagawian naming tawag sa kanya – ay sumakabilang-buhay sa edad na 92. Hindi lamang siya kabilang sa sinaunang henerasyon ng mga beteranong peryodista kundi maituturing pa siyang haligi ng peryodismong Pilipino; naging editor at kalaunan ay kolumnista ng iba’t ibang pahayagan; at naging propesor ng journalism at iba pang asignatura.
Sa lingguhang lunch session na itinataguyod ng Myther and Friends sa Malate, Manila, ayaw ni Nestor na napag-uusapan ang nabanggit na trahedya. Sapat na ang kanyang pahiwatig na may divine intervention sa kanyang kaligtasan.
Isipin na lamang na sa gayong kahindik-hindik na pagbagsak ng eroplano, siya lamang ang pinalad na mabuhay.
Subalit hindi inalintana ni Nestor ang malagim na trahedya. Sa mga detalye na halaw sa Philippine Free Press, naitawag pa niya ang isang news report para sa pinaglilingkuran niyang pahayagan – ang Philippines Herald. Bago siya isinugod sa ospital at kahit na halos lapnos ang kanyang katawan dahil marahil sa pagkakatilapon sa sumabog na eroplano, nagampanan pa niya ang mahalagang misyon bilang isang mamamahayag.
Ang ganitong tungkulin ng kapwa natin mga peryodista ay karaniwan nang nagaganap bilang pagpapamalas ng kabayanihan sa iba’t ibang larangan. Si Rod Reyes, halimbawa, ay pumalaot sa isang drug den upang tuklasin lamang ang mga panganib at pagkalulong sa droga ng mga kabataan. Kinailangan niyang palabasin na siya man ay isa ring adik.
Maging si dating Senador Ninoy Aquino ay nagpamalas ng kabayanihan bilang reporter sa Korean war. Halos maipit din siya sa digmaan upang mangalap lamang ng mga ulat tungkol sa digmaan.
Subalit naiiba ang kabayanihang ipinamalas ni Nestor nang sinikap niyang maitawag ang plane crash story sa kanyang pahayagan sa kabila ng hapdi at sindak na nakalukob sa kanyang katauhan dahil sa pagbagsak ng eroplano. Sapat na ito upang siya ay ituring na isang bayaning peryodista. Sumalangit nawa ang iyong kaluluwa. Isang taimtim na pakikidalamhati sa iyong mga mahal sa buhay.