Nina ORLY L. BARCALA at FER TABOY

Arestado ang isang Chinese at ang driver nito nang salakayin ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Northern Police District (PNP) at Malabon Police ang isang hinihinalang shabu laboratory, na malapit sa isang eskuwelahan, sa Malabon City kahapon.

Kinilala ang mga inaresto na sina Xie Jianseng, Chinese; at Larry Santiago, ng Marikina City.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Base sa ulat, sinalakay ng awtoridad ang tatlong palapag na gusali sa No. 15 Dela Cruz Street, Barangay Tenejeros, sa Malabon City, bandang 7:00 ng umaga.

Sa bisa ng search warrant, napasok ng raiding team ang nasabing gusali at narekober ang galun-galong likido, na sinasabing sangkap sa paggawa ng shabu; timbangan at malaking makina.

Agad dinakma sina Jianseng at Santiago nang datnan umano sa lugar.

Ayon kay NPD Director, Chief Supt. Amando Clifton Empiso, wala sa pinangyarihan ang apat pang Pinoy na umano’y kasabwat ng sindikato na kasalukuyang tinutugis.

Iniulat na miyembro ng “Dragon Wu Drug Syndicate” sina Jianseng at Santiago at konektado sa tatlong Chinese at apat na Pinoy na unang inaresto sa umano’y shabu laboratory sa Ibaan, Batangas City, nitong Huwebes.

Una rito, sa pagsalakay sa Batangas, nakatanggap umano ng impormasyon ang PDEA hinggil sa laboratory ng grupo sa Malabon City at ikinasa ang operasyon.

Habang isinusulat ang balitang ito, nag-iimbentaryo ang PDEA sa nakumpiskang mga kemikal.