Ni Erik Espina
“ITONG NDF because I used to be friends really with the NDF. I was crossing the ideological borders before. Ako ‘yung nakakapasok sa teritoryo and we were friends really. But times have changed because God placed me here and I take care of the Republic. Sabi nila doon ‘bully’ ako. T******* pala kayo, talagang bully ako. P*****i**. Talagang bully ako especially to the enemies of the State, talagang bully ako.” sabi ni Pangulong Duterte sa kanyang State of the Nation Address noong Hulyo 24, 2017. ‘Yan ang malutong na palatandaan sa bagong inisyatiba ni Pangulong Rodrigo Duterte sa planong muling buhayin ang nabimbing ‘usapang pangkapayapaan’ sa CPP-NPA-NDF.
Bago pa masimulan, una nang nagtakda si DU30 ng kondisyon sa maka-kaliwang hanay: 1) Magdeklara ng Unilateral Ceasefire; 2) Tigilan ang rebolusyonaryong pangongotong; 3) Ihinto ang mga pagsalakay at panununog sa mga pribadong lupa at gamit.
Upang patunayang seryoso ang Palasyo, handang gastusan ang usapan, pati tirahan, pagkain atbp. Nais din ng pamahalaan na idaos sa sariling bayan ang negosasyon, at hindi sa dayuhang bansa. Noon kasi, bakit nga naman pinayagan na hindi mga Pilipino ang makikisawsaw sa ating panloob na suliranin? Saludo ako sa dagdag na panukala ni Digong na dito idaos ang negosasyon. Mas makakamura pa tayo. At ito rin ang karapat-dapat na paninindigan mula sa isang bansang may prinsipyo at soberanya. Pagsubok ito sa mga kampon ni Jose Ma. Sison upang mabisto ang hangganan ng kanilang “sinseridad”sa pagpigil at pagtapos sa halos 5 dekadang pagdanak ng dugo. Sila ang nagsimula ng kaguluhan at ilang libong buhay at bilyun-bilyong pisong ari-arian, puhunan na ba ang nawala dahil sa kanilang mala-teroristang paghihimagsik?
Hindi nga naman maaaring ihalo ang tubig sa langis, sa layunin ng mga komunista na magkaroon ng koalisyung pamamahala kay Digong, kahit hindi sila halal. Ano sinusuwerte?! Labag ito sa simulaing Pilipino na marunong manindigan para sa pambansang kalayaan, lalo na sa demokratikong pamumuhay. Aminin na natin, ang pamahalaan at pamumuhay sa idolohiyang komunista, na makasalanan nilang inilulugso, ay hindi angkop sa atin at hindi maka-Pilipino. Hitler at diyus-diyosan ang utak ng mga ito.