Ni Jun Aguirre

Kinakailangan pa ng bagong batas upang maibigay sa mga magsasaka ang lupa sa Boracay Island.

Ito ang paglilinaw ng Department of Agrarian Reform (DAR), kasunod na rin ng plano ni Pangulong Rodrigo Duterte na magpapatupad ito ng reporma sa lupa sa isla.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Ayon sa DAR, dapat ay gagawa ng panukala ang Kongreso na magpapalawig sa pag-isyu ng notice of coverage sa mga magsasaka.

Ngunit aminado ang regional director na maliliit ang lupa na agrikultural sa Boracay dahil aabot lamang sa limang ektarya pataas ang maaaring saklawan ng CARP.

Sa isang panayam, binigyang-diin ni DAR-Region 6 director Stephen Leonidas na walang nabigyan ng notice of coverage sa Boracay hanggang sa natapos ang panahon ng pagpapalabas nito.

Sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program Extension (CARPER) o Republic Act 9700, hanggang 2014 lang ang deadline ng distribusyon ng agricultural land at patuloy ang pagproseso sa mga nabigyan ng notice of coverage.

Matatandaang kinatigan din ng Korte Suprema ang Presidential Proclamation at nagsabing pagmamay-ari ng gobyerno ang Boracay.

Kaugnay nito, sisikapin naman ng Department of Tourism (DoT) na muling buksan ang Boracay sa susunod na tatlo hanggang apat na buwan.

Inirason ni DoT Secretary Wanda Teo, maaaring matapos ang rehabilitasyon ng isla sa loob ng apat na buwan kung makikipagtulungan ang publiko.