Ni Bert de Guzman
MAY bagong mga pinuno ngayon ang ilang tanggapan ng Duterte administration. Inalis na ni Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD) sa Department of Justice (DoJ) si Vitaliano Aguirre II at ipinalit si Senior Deputy Executive Sec. Menardo Guevarra.
Hinirang ng Pangulo na bagong hepe ng Philippine National Police (PNP) si NCRPO Director Oscar David Albayalde. Papalitan niya si PNP Chief Director General Ronald “Bato” dela Rosa.
May bago na ring Chief of Staff ang Armed Forces of the Philippines (AFP). Siya ay si Lt. General Carlito Galvez. Pinalitan niya si AFP Chief of Staff Gen. Rey Leonardo Guerrero.
Nagtatanong ang publiko: Sinu-sino pa kaya ang “sisibakin” o hihirangin ni Mano Digong para magtagumpay ang kanyang pamamahala sa gobyerno?
Sa pagkakaroon ng mga bagong opisyal, hangarin ng taumbayan na makatulong sila kay PRRD sa mabuting pagpapatakbo ng pamahalaan para sa kabutihan ng bayan.
Kay Albayalde, sana ay maiwasan na ang walang habas na pagpatay sa hinahinalang drug pushers at users dahil sa katwirang NANLABAN daw. Kay Guevarra, sana ay pairalin ang patas na pagtrato sa batas at ilapat ang hustisya sa lahat, kalaban o kakampi ng administrasyon. Kay Galvez, sikaping talunin ang NPA at Abu Sayyaf/ISIS sa Mindanao.
Naglatag ng ilang kondisyon si PDu30 para matuloy ang peace talks ng gobyerno at ng CPP-NPA-NDF. Kabilang dito ang:
1. Kumpletong di-pag-atake ng NPA; 2. pagtigil sa koleksiyon ng revolutonary taxes; 3. huwag humingi ng coalition government; 4. pagsasalong ng mga armas ng NPA. Tanggapin kaya ito ni Joma?
May 700,000 foreign bookings ang kinansela na katumbas ng may P30 bilyon bunsod ng pagsasara ng Boracay Island.
Maraming residente ng isla at ng buong Aklan ang apektado rito. Kinansela na rin ng ilang kompanya ng eroplano, tulad ng PAL at Cebu Pacific, ang kanilang paglipad.
Tanong: Papaano ang pangakong pagkakaloob ng trabaho ng PRRD admin eh tinatayang libu-libong tao ang mawawalan ng trabaho sa pagsasara ng Bora (tawag ni Harry Roque)? Abangan ang kasagutan.