Ni Celo Lagmay
WALANG hindi nagitla sa bagong pahayag ni Pangulong Duterte: “I trust him”. Ang tinutukoy ng Pangulo ay si National Food Authority (NFA) Administrator Jason Aquino na hanggang ngayon sy nagiging tampulan ng katakut-takot na pagtuligsa kaugnay ng masalimuot na isyu sa bigas. Nangangahulugan na buo ang tiwala niya sa naturang opisyal.
Bigla kong naalala ang titulo ng isa sa mga obra maestra ni Dr. Jose Rizal: Ang Noli Me tangere, na
nangangahulugang “Touch Me Not” o “Huwag mo Akong Salangin”. Talaga bang hindi masasaling si Aquino?
At idinugtong pa ng Pangulo: “Ignore the NFA Council which is mandated by law, go ahead and make the importation.”
Nangangahulugan na hindi dapat pansinin ni Aquino ang naturang NFA Council kahit na ang lupong ito ay binubuo pa naman ng mga miyembro ng Gabinete at ng iba pang opisyal ng gobyerno na tulad ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Sa naturang kambal na pahayag, naniniwala ako na dalawang grupo, kaakibat ang kani-kanilang mga paninindigan, ang mistulang binuhusan ng malamig na tubig, wika nga. Ang mga Senador na kinabibilangan nina Senador Cynthia Villar at Sen. Bam Aquino, at iba pang kritiko ng administrasyon, halimbawa, ay biglang nanlupaypay sa pagkatig ng Pangulo kay Aquino.
Magugunita na sa sunud-sunod na pagdinig sa committee on agriculture na pinamumunuan ni Villar, halos ipagtabuyan si Aquino at pinagbibitiw sa tungkulin sa bintang na hindi nagagampanan ng pamunuan ng NFA ang misyon upang palakihin ang ating buffer stock; hindi ito namili ng aning palay ng mga magsasaka sa iba’t ibang panig ng kapuluan. Naging dahilan ito upang masimot ang imbak na bigas na dapat ay ibinebenta sa mga pamilihan sa presyong hindi pabigat sa mga maralita. Ang hangarin ng Senador hinggil sa patuloy na pamimili ng aning palay upang makatulong nang malaki sa mga magsasaka, ay tiyak na mauunsiyami dahil nga sa pagsagip ng Pangulo sa sinasabing mga pagkukulang ni Aquino.
Isa pang grupo na tila sinabugan ng bomba, wika nga, ang mismong bumubuo ng NFA Council. Hinubaran sila ng kapangyarihan nang tahasang iutos ng Pangulo kay Aquino ang pag-angkat ng libu-libong metriko toneladang bigas upang magkaroon ng sapat na suplay para sa kagyat na pangangailangan ng sambayanan. Maliwanag na nasunod ang kagustuhan ni Aquino na isagawa ang importasyon ng bigas sa pamamagitan ng ‘government-to-government’ at hindi ‘government-to-private sector ‘, tulad ng nais mangyari ng NFA Council. May mga haka-haka na ang unang sistema ay kababalaghan samantalang ang pangalawa ay may bahid ng mga alingasngas.
Kahit na ano ang sabihin ng sinuman, hindi ba ang pagtitiwala ng Pangulo kay Aquino ay mistulang pag-ako sa sinasabing mga kapalpakan at anomalya sa NFA?
Sa anu’t anuman, umasa tayo na ang nabanggit na mga pahayag ng Pangulo ay higit na makatutulong sa sambayanan, lalo na sa mga nagdarahop at sa mismong mga magsasaka.