Ni Clemen Bautista
SA kasaysayan ng Pilipinas, kung ang pag-ibig, pagmamahal, pagtatanggol sa kalayaan at kapayapaan sa bayan ang pag-uusapan, tayong mga Pilipino ang nangunguna. Natatangi, matapat, at maalab. Ang pagtatanggol ng ating mga ninuno at bayani ay bahagi na ng kasaysayan ng ating Perlas ng Silangan. May mga itinakdang araw ang paggunita at pagpapahalaga sa mahalagang bahagi ng ating kasaysayan.
Mababanggit ang ARAW NG KAGITINGAN, na ginugunita tuwing sasapit ang ika-9 ng Abril. Ipinagdiriwang natin taun-taon ang nasabing araw bilang parangal at pagpupugay sa ating mga kawal-Pilipino at mga kababayan na nagbuwis ng buhay sa Bataan para sa ating kalayaan at demokrasya.
Ang paggunita at pagdiriwang ng “Araw ng Kagitingan” ay batay sa bisa ng Executive Order No. 213 noong 1987, na nilagdaan ni dating Pangulong Corazon Aquino. Saklaw nito ang Philippine Veterans Week (Abril 5-11), sa bisa naman ng Proclamation No. 466 noong Setyembre 14, 1989. Ang sentro ng paggunita at pagdiriwang ay sa Dambana ng Kagitingan sa Bataan.
Ang Araw ng Kagitingan ay natatanging bahagi ng ating kasaysayan sapagkat nakilala ang Pilipinas sa tapang at giting ng mga kawal-Pilipino sa Bataan noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Sa kabila na ang nasabing digmaaan ay labanan ng Imperyalistang Amerikano at Hapon, ipinamalas ng mga kawal-Pilipino ang pagmamahal sa kapayapaan. Ang mga kawal-Pilipino ay itinuring na mga dakilang beterano ng World War II.
Sa panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo, ang Araw ng Kagitingan ay nawalan ng historical significance dahil sa ipinairal na holiday economics. Inililipat ang non-working holiday. Nawala ang sense of history at sense of nationalism ng nasabing pangulong na-hospital arrest pati na ng ibang sirkero at payaso sa pulitika.
Sa pagbabalik-tanaw, noong Disyembre 7, 1941, binomba ng Japan ang US Naval Base sa Pearl Harbor, Hawaii at nagsimula ang World War II sa Pacific. Ang Pilipinas, na isang kolonya ng America, ay naging sangkot sa nasabing digmaan. Ang iba pa sa Southeast Asia, Singapore, Hong Kong, Burma (Myanmar na ngayon) at iba pa ay sumuko sa makapangyarihang makinaraya ng militar. Ngunit ang pakikipaglaban sa Pilipinas ay tumagal hanggang Abril 9, 1942 nang sumuko ang United States Armed Forces in the Far East (USAFFE).
Ang Abril 9, 1942 ay itinuring na malagim na araw sa kasaysayan ng Pilipinas sapagkat namarkahan ng pagsuko ng 78,000 Bataan defenders, na pinamumunuan ni Gen. Edward King, sa mga mapanakop na puwersa ng Hapon, sa pamumuno ni Col. Mooto. Sa sulat ni Lt. Gen. Jontahan Wainmwright, USAFFE Comamander-in-Chieff, kay US President Franklin D.
Roosevelt: “There is a limit in human endutance”. At nagsimula ang “death march” ng mga bilanggo ng digmaan.
Ang kalupitan ng mga sundalong Hapon ay malinaw na pagtutol na ang mga bilanggo ng digmaan ay tumanggap ng pagkain at tubig sa mga sibilyan na nasa tabi ng daan. Hindi rin pinayagang sumalok ng tubig na maiinom sa nadaraanang mga batis. Sa halip, sa mga lubluban ng kalabaw sila pinayagang makainom ng tubig.
Matapos ang death march, ang mga kawal-Pilipino at Kano ay isinakay sa isang boxcar. Nagmistulang sardinas sa loob nito at lalong dumami ang namatay dahil sa suffocation. Ang mga nabanggit ay ang mga hirap na dinanas ng ating mga kawal-Pilipino at Kano alang-alang sa kalayaan na tinatamasa natin ngayon.
Bumagsak ang Bataan ngunit katulad ng isang ibong Phoenix na bumangon mula sa abo, ang Bataan ay naging moog ng Kalayaan na nagbigay-daan upang ang lahat ng mamamayan sa Pilipinas ay mapanatili ang ating Kasarinlan.
Ang Araw ng Kagitingan ay sagisag ng katapangan ng mga Pilipino. Ayon kay Pangulong Emilio Aguinaldo, “Filipino valor is second to none”. Bilang pagkilala, ikinintal niya ang tapang ng Pilipino sa ating Pambansang Watawat.