Rockets at Cavaliers, tuloy ang ratsada

HOUSTON (AP) — Naisalpak ni Chris Paul ang off-balance layup may 0.8 segundo ang nalalabi para sandigan ang Houston Rockets sa makapigil-hiningang 96-94 panalo kontra Portland Trail Blazers nitong Huwebes (Biyernes sa Manila).

Kumubra si Paul ng 27 puntos para sa ikalawang sunod na panalo ng Houston matapos matuldukan ang 11- game winning streak ng san Antonio nitong Lunes.

Mommy ni EJ Obiena, todo-suporta sa anak na pole vaulter: 'We're all here'

Umabot sa 24 puntos ang bentahe ng Rockets sa second quarter at napanatiling abante sa huling limang minuto.

Ngunit, sa kabila ng hindi paglalaro ni star guard Damien Lillard, matikas na nakihamok ang Blazers sa naibabang 19-2 run, tampok ang jumper ni Pat Connaughton para maitabla ang iskor sa 94- may 6.1 segundo sa laro.

Nanguna si McCollum sa Trail Blazers na may 16 puntos, habang tumipa si Jusuf Nurkic ng 14 puntos at 11 rebounds.

CAVS 119, WIZARDS 115

Sa Cleveland, ginapi ng Cavaliers, sa pangunguna ni LeBron James na tumipa ng 33 puntos, ang Washington Wizards para mapatatag ang kapit sa No.3 spot sa Eastern Conference playoff.

Naghabol ang Cavs sa 104-87 may 7:35 sa laro nang sumambulat ang opensa ni James na kumana rin ng 14 assists, at siyam na rebounds.

Nag-ambag si Jeff Green ng 21 puntos at umiskor si Kevin Love ng 16 puntos para sa ika1-0 panalo sa 11 laro ng Cavs.

NETS 119, BUCKS 111

Sa Milwaukee, kumana si Allen Crabbe ng 25 puntos, tampok ang dalawang three-pointer sa krusyal na sandali para magapi ng Brooklyn Nets ang Bucks.

Bunsod nang kabiguan, nalagay sa alanganin ang kampanya ng Bucks sa No.8 slots sa Eastern Conference playoff.

Nanguna si Khris Middleton sa naiskor na 31 puntos sa Milwaukee, habang kumubra si Giannis Antetokounmpo ng 19 puntos at 10 rebounds.

JAZZ 117, CLIPPERS 95

Sa Salt Lake City, tuluyang isinara ng Utah jazz ang pintuan ng playoff sa Los Angeles Clippers.

Nagsalansan si top rookie candidate Donovan Mitchell sa naiskor na 19 puntos, habang kumana si Rudy Gobert ng 15 puntos at 10 rebounds para sa Utah Jazz.

Nag-ambag sina Derrick Favors ng 16 puntos at kumana sina Jonas Jerebko at Alec Burks ng tig-13 puntos.

Hataw si Austin Rivers sa Los Angeles na may 19 puntos at tumipa si Montrezl Harrell ng 17 puntos.

Sa iba pang laro, nanaig ang Denver Nuggets sa Minnesota Timberwolves, 100-96.