Nina GENALYN D. KABILING at MARY ANN SANTIAGO, ulat nina Jun Aguirre, Jun Fabon, at ng Reuters

Maaaring hindi umabot sa anim na buwan ang pagsasara ng Boracay Island, at kayanin na ito sa loob ng tatlo hanggang apat na buwan sakaling suportahan ng gobyerno ang mga pagsisikap upang maisailalim sa rehabilitasyon at maisalba ang isla.

Ayon kay Interior and Local Government Assistant Secretary Epimaco Densing III, target ng pamahalaan na mapabilis ang rehabilitasyon ng Boracay upang maisakatuparan ang “soft opening” ng isla sa loob ng tatlo hanggang apat na buwan.

Sinabi ni Densing na “not to the interest of everybody to go to the full six months” dahil sa tinatayang P18 bilyon-P20 bilyong kita na mawawala sa turismo sa isla.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

“We have to fast track everything. The only way to be able to do this is to ask everybody, all the stakeholders, to be part of the whole rehabilitation process. We have been receiving volunteers outside Boracay that they want to go into the island and help in the rehab process. So if everybody can come into the picture, we can cut the process by at least two months,” sinabi niya sa press briefing sa Malacañang.

“Some of the items we have done in the plan are being done right now by the stakeholders and the provincial government specifically the dismantling side, the drainage audit, we may be able to have a soft opening in three to four months. It’s possible,” he added.

ISASARA SA ABRIL 26

Inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Miyerkules ng gabi ang anim na buwang pagsasara sa Boracay na sisimulan sa Abril 26, batay sa rekomendasyon ng DILG, Department of Environment and Natural Resources (DENR), at Department of Tourism (DoT).

Sinabi naman ni Presidential Spokesman Harry Roque na bineberipika na ng mga awtoridad kung alin sa mga establisimyento sa isla ang tumutupad at sumusuway sa environmental laws.

Ayon naman kay Densing, inihahanda na ng DILG ang mga kaso na isasampa sa mga lokal na opisyal na mapatutunayang nagpabaya sa sitwasyong pangkalinisian ng Boracay hanggang sa Abril 14.

Nakatakda ring magdeklara ng state of calamity si Pangulong Duterte sa Boracay upang mapabilis ang rehabilitasyon sa isla, ayon kay Tourism Secretary Wanda Teo.

“Ang Presidente kasi will declare a state of calamity. So, ‘pag nag-declare siya niyan, siyempre you have capacity, lahat [ng government agencies] papasok na ‘yan at tutulong para mabilis [ang rehabilitasyon],” sinabi ni Teo sa panayam sa radyo.

“Lahat [ng istruktura isasara], whether compliant ka o hindi, lahat talaga magsakripisyo dito,” dagdag pa ni Teo.

“Turista, talagang definitely, wala nang turista, whether local or foreign, na papasok.’

Kinumpirma rin ni Teo na bubuwagin ng pamahalaan ang aabot sa 900 istruktura na pasok sa 30-meter shoreline easement o no-build zone.

MGA TAGA-ISLA KABADO

Kaugnay nito, nangangamba na ngayon ang ilang residente sa isla kung paano ang kanilang pagkakakitaan sa buong anim na buwang sarado sa turista ang Boracay.

Ayon kay Elizabeth Gaytano, 45, masahista sa isang resort sa isla, mayroon siyang 12 anak, at pito sa mga ito ay nag-aaral pa, at sa ngayon ay hindi niya mapanghawakan ang pangakong ayuda ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Sinabi naman ni Joseph Panagsagan, tourist guide, na posibleng bumalik na lang siya sa pangingisda para maitawid sa gutom ang kanyang tatlong anak habang sarado ang isla.

FLIGHTS KANSELADO NA

Samantala, dahil din sa pagpapasara sa Boracay ay nagkakansela na ngayon ng mga flight ang mga kumpanya ng eroplano na una nang nag-book para maghatid sa isla.

Ayon sa Cebu Pacific, kinansela na nito ang 14 na arawang round-trip flights patungong Caticlan at Kalibo sa Abril 26 hanggang Oktubre 25, habang inihayag naman ng Philippine Airlines (PAL) na babawasan nito ang serbisyo sa mga nasabing paliparan at magdadagdag ng flights sa iba pang destinasyon.

Pareho na ring nag-alok ng refund o ibang biyahe sa kani-kanilang pasahero ang PAL at Cebu Pacific.

May ulat nina Jun Aguirre, Jun Fabon, at ng Reuters