Ni Celo Lagmay
PALIBHASA’Y mistulang gumapang sa karukhaan sa hangaring makatapos ng pag-aaral, ipinagkibit-balikat ko ang panukala ng Constitutional Commission (Con-Com) hinggil sa pagkakaroonng college degree ng sinumang naghahangad maging senador. Bagamat wala sa hinagap na maging isang pulitiko, nais kong itanong: Ang pagtatapos ba ng isang baccalaureate degree ay sapat nang barometro para sa isang matinong mambabatas?
Gayuman, gusto kong maniwala na ang nabanggit na panukala ng Con-Com, isang grupo na binubuo ng mga huwaran, matatalino at kagalang-galang na mga miyembro—ay nakaangkla sa sinaunang Senado. Ibig sabihin ang ating mga mambabatas noon, tulad halimbawa ng yumaong mga Senador na sina Jovito Salonga, Ambrosio Padilla, Arturo Tolentino at marami pang iba, ay simbolo ng kapuri-puring paglilingkod sa bayan: nagtataglay ng maningning na mga katangiang sumasagisag sa pambihirang talino at lohika sa pagtalakay at paglalahad ng makabuluhang mga isyu.
Hindi ko matiyak kung hanggang saan ang pagtimbang ng Con-Com sa kasalukuyang Senado—at maging sa Kamara; kung nais nitong paghambingin ang kategorya ng sinauna at kasalukuyang mga mambabatas.
Bigla kong naalala ang ipinagsisigawan ng isang grupo ng mga militante na hindi naikubli ang pagkadismaya sa inuugali ng ilang senador at kongresista kaugnay marahil ng isinasagawang kabi-kabilang mga pagdinig sa masasalimuot na isyu. Malimit na nalalantad sa ganitong mga okasyon ang magagaspang na pag-uugali ng ilang mambabatas sa kanilang mistulang pandidilat sa mga iniimbitahan nilang mga resource persons; walang-galang na paghalukay ng mga kasinungalingan at katotohanan. Dahilan ito upang malantad ang tunay na pagkatao ng naturang mga lingkod ng bayan na itinuturing pa namang mga ‘honorable’.
Dahil dito, lalong tumindi ang aking pagkikibit-balikat sa panukala ng Con-Com. Ang kawalan ng college degree ng nais maging senador ay hindi balakid upang maging isang marangal na mambabatas. Hindi ba may mga mambabatas—na ang ilan ay naging mga presidente pa ng Senado—na nagpamalas ng mga kagalingan at katalinuhang hindi nila natamo sa mga kolehiyo at unibersidad?
Sapat nang sila ay may natatagong katalinuhan na lubhang kailangan sa pagbalangkas ng mga batas para sa kapakinabangan ng higit na nakararaming mga mamamayan, lalo na ng mga maralita. Sabi nga ng mga Kano: He who have less in life must have more in laws.