Ni GENALYN D. KABILING

Pursigido ang gobyerno na umalalay para mapabilis ang pagpasok ng third major telecommunications company na kayang magkipagsabayan sa dalawang umiiral na kumpanya sa kabila ng mga pagkaantala.

Sinabi ni Presidential Communications Secretary Martin Andanar na umaasa sila gagawin ni Department of Information and Communications Technology (DICT) officer-in-charge Eliseo Rio ang lahat ng paraan para makaakit ng third major player sa bansa.

“Naiintindihan ko iyong hirap ng trabaho ni Acting Secretary Rio. And we, of course, trust in him at alam naman niya iyong kaniyang ginagawa,” ani Andanar sa panayam sa radyo kamakailan.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

“Basta ang mahalaga po dito ay pumayag na ho si Presidente na mayroong third telco, at minamadali niya ito. At ang atin namang DICT ay ginagawa ang lahat ng kaniyang magagawa para maka-invite ng isang kumpaniya na talagang kayang magtayo at lumaban doon sa dalawa pang telco,” dugtong niya.

Sinabi ni Andanar na nauunawaan ng gobyerno ang pangangailangan ng mamamayan na magkaroon ng mas magandang phone at internet services sa makatuwirang presyo.

“The only way for our country really to also compete with other countries is to have a very efficient telecommunication service,” aniya.

Target ng Pangulo na makapasok ang third telco carrier sa bansa pagsapit ng Marso o Abril para maputol ang duopoly ng PLDT-Smart Communications at Globe Telecoms. Una niyang inalok ang China na sumali sa telco industry ngunit kalaunan ay nagpakita rin ng interes ang iba pang banyagang kumpanya.

Sinabi ni Andanar na ang third telco company ay dapat na maging “competitive” para mabigyan ang consumers ng mas maraming pagpipilian sa merkado.