Ni Jun Fabon

Bumagsak sa kamay ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) ang isang pulis, na naka-absent without leave (AWOL), matapos ireklamo ng kanyang kabaro dahil sa panggagantso, sa entrapment operation sa Quezon City nitong Martes.

Kinilala ni QCPD director, Chief Supt. Guillermo Lorenzo T. Eleazar ang suspek na si dating Inspector Jay- Ar Olaguera, 32, tubong Guinubatan, Albay, at nakatira sa No. 179 Balubad Street, Barangay Nangka, Marikina City.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Inaresto si Olaguera ng mga tauhan ng District Special Operation Unit (DSOU) matapos mang-estafa ng isang opisyal ng Philippine National Police (PNP) sa Camp Crame na si Supt. Roland Bulalacao.

Sa imbestigasyon ni Supt. Rogarth Campo, unang sinita ng mga tauhan ng DSOU ang 8–anyos na anak ni Olaguera sa tanggapan ng Smart Padala sa Bgy. Nangka, Marikina City, bandang 4:00 ng hapon.

Sinamahan ang bata pauwi, at dito nabisto na ang ipinadalang pera ni Bulalacao ay hindi pala para sa kanyang PNPA classmate na si Senior Supt. Benito Ramos, na nagpakilala umano sa pamamagitan ng text message.

Nabatid na si Olaguera ay tauhan ni Supt. Rogarth ng DSOU at may ilang buwan nang AWOL, na nagpanggap ang una bilang si Sr. Supt. Ramos.

Sa reklamo ni Supt. Bulalacao, nakatanggap siya ng text message mula sa suspek na humingi ng pabor na magpadala ng pera para kay Chief Inps. Ortega, na nakatalaga sa Compostela Valley, na papasakay umano sa eroplano.

Siniguro pa umano ni Olaguera kung naipadala na ni Supt. Bulalacao ang P3,000, kaya nagduda ang huli.

Agad humingi ng tulong ang biktima sa DSOU nang malaman na ang ipinadala nitong pera ay kukunin ng receiver sa Marikina City, dahilan upang magkasa ng operasyon ang mga pulis.

Nakumpiska kay Olaguera ang dalawang P1,000 bill; dalawang P500 bill at isang android cell phone na ginamit sa transaksiyon.

Kasalukuyang nakakulong si Olaguera sa DSOU, Camp Karingal at nahaharap sa kasong paglabag sa Cybercrime Prevention Act of 2012 (RA 10175) at Special Protection of Children against Abuse, Exploitation and Discrimination Act (RA 7610).