ni Erik Espina
MATINDI na ang sagupaan ng liwanag at dilim. Banggaan sa pagitan ng puwersa ng Panginoong Diyos ng mga kampon ni Satanas para sa kaluluwa ng sangkatauhan.
Sa mundong kasalukuyan, and ’yan ang pagdami sa kulto ng Satanismo. Lehitimong pananampalataya ang turing ng Amerika para sa lider ng mga demonyo.
And’yan din ang mga kababayan natin na lumalapit sa mangkukulam upang “ma-barang” (sa salitang Cebuano) ang kanilang mga kalaban, o di kaya, pagsangguni sa “mananambal” para sa mga kababalaghang ‘di maipaliwanag tulad ng sakuna o mga nakagigimbal na kaganapan sa buhay. Sa halip na alagad ng Diyos ang hingan ng tulong at gabay, mga albularyo, o manggagamot kuno, na may mga ritwal na hindi aprubado ng langit. Halimbawa Feng Sui, anting-anting, at iba pa.
Masasaksihan sa ibang bansa, partikular sa Europe, ang pagdausdos ng mga mananampalataya sa kanilang magarbo at makasaysayang mga simbahan. Bihira ka nang makakita ng mga kabataan sa mga Iglesya roon. Kadalasan senior citizen na lang ang dumadalo sa misa at lumuluhod sa altar. Kumakalat din ang paniniwala ng mga “atheist”, na wala raw Diyos. Mga “agnostics” na ang pananaw halos pinsan lang ng “atheist”. Mayroong mga taong handang isugal at ialay ang kanilang kaluluwa kapalit ng tagumpay sa pulitika, pagkamit sa yaman, kasikatan at tagumpay sa makamundong pamumuhay. Ang mismong pag-usbong ng maraming samahan, na nagmumunini sa salita ng Diyos upang ibenta at kumita ng salapi, ay indikasyon din ng “spiritual warfare” sa ating paligid.
Isang malinaw na palatandaan na totoo ang malagim na labanan para sa kaligtasan ng tao base ang dumaraming kuwento hinggil sa mga nagpapakitang espiritu, kapre, duwende at kanilang kastilyo, maitim na ibon, matandang babae, mga pulang mata sa dilim at iba pa na kadalasang sanhi kung bakit palaging may nagkakasakit sa pamilya.
Dahil daw ito sa antiques, kulam, abandonadong kuwarto, malaking puno, at iba pa na pinamumugaran ng masamang espiritu. Pagbalik-loob sa Diyos, exorcism at deliverance ng paring may ganitong kapangyarihan ang solusyon!