Ni Bert de Guzman
SA homily ni Cardinal Tagle noong Linggo ng Palaspas (Palm Sunday) sa Manila Cathedral Church, sa Intramuros, Maynila, binatikos niya ang mga lider na umaakto na parang mga modernong hari na “puno ng kayabangan at salat sa kapakumbabaan.”
Sabi ng Malacañang, hindi raw si Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD) ang pinatatamaan dito ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle dahil ang Pangulo ay hindi isang “cocky and violent king” kundi isang “humble” at “soft-hearted.”
Naniniwala si Presidential chief legal counsel Salvador Pañelo na hindi si PDU30 ang pinatutungkulan ni Tagle bilang “marahas at palalong hari”. Saad ni Pañelo: “Sa aking palagay, ang pinatatamaan niya ay ang mga world leader at hindi sa bansa natin.” Nosibalasi? Kim Jong-un ng North Korea, Donald Trump ng US, Xi Jinping ng China, atbp?
Muling binanatan ni Mano Digong ang dati niyang propesor—si Jose Ma. Sison, founder ng Communist Party of the Philippines (CPP). Sa talumpati sa Sulu, pinagsabihan ni Pres. Rody si Joma Sison ng ganito: “Kung sa palagay mo ay matalino ka, kung talagang ikaw ay matigas, kung ikaw ay talagang higit na marunong, dapat sana ay ikaw ang Presidente ngayon (ng Pilipinas). Son of a b****. “
Para kay PRRD, walang peace talks na magaganap habang siya ang Pangulo. Ayon kay Labor Sec. Silvestre Bello III, peace panel chairman, walang “enabling environment” para makumbinse ang Pangulo na irekonsidera ang usapang-pangkapayapaan sa mga komunista.
“Papayuhan lang namin ang Pangulo kung meron nang enabling condition, pero sa ngayon, wala pa kaming nakikita o nararamdaman,” ani Bello. Patuloy ang NPA sa pagtambang, pagpatay, pagtatanim ng land mine upang pinsalain ang mga sundalo, pulis at mga sibilyan.
Huwebes Santo ngayon, magdasal at magnilay-nilay tayo. Ituon ang pansin sa pasyon at sakripisyo ni Hesukristo upang tubusin ang ating mga pagkakasala. Gayahin natin ang kanyang kapakumbabaan, itakwil ang kayabangan, pagmamataas at masamang pag-uugali. Sundin ang kanyang utos: “Mahalin ang Diyos ng higit sa lahat. Mahalin ang kapwa-tao tulad ng pagmamahal sa sarili