Ni Bert de Guzman
BINIRA ni Manila Archbishop Luis Antonio Tagle noong Linggo ng Palaspas (Palm Sunday) ang mga lider ng mga bansa na umano’y nagpapakita ng masasama at tiwaling halimbawa sa kanilang tagasunod. Sa titulo ng isang pangunahing balita noong Lunes “Cardinal Tagle hits ‘violent, cocky kings’”, binatikos ni Tagle sa kanyang homily ang tinawag niyang mga “modern day kings” na palalo at marahas. Ginanap ito sa Manila Cathedral.
Mabunying Cardinal, wala na ngayong mga “Hari” (maliban sa Saudi Arabia). Ang meron tayo ngayon ay mga presidente, Prime Minister, diktador na kinatatakutan sa kani-kanilang bansa. Badya ng Cardinal: “In our world today, kings who are full of cockiness and devoid of humility are lording over.”
Hinimok niya (kung makikinig sila sa iyo Cardinal) na gayahin ng mga lider ng mundo ang halimbawa ng kapakumbabaan at liderato ni Jesus Christ. Bigay-diin ni Tagle sa kanyang homilya: “Ang ating Hari ay hindi nagdedepende sa karahasan, sa mga armas, sa mga espada, sa mga bala at baril. Ang ating Hari ay nagtitiwala lamang sa Diyos.”
Sabi ng kaibigang palabiro-sarkastiko: “Aba, aba parang may pinatatamaan ang mabunying Cardinal. Ingat, ingat ka Cardinal Tagle dahil baka ikaw ay murahin din. Tandaan, mismong ang puno ng may 1.3 bilyong Katoliko, si Pope Francis, ay na-PI na noon.”
Sa nakalipas na 15 taon, napaulat na dumarami ang mga insidente ng pag-atake sa women journalists sa panahon ng digital era, ayon sa United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (Unesco). Sa Pilipinas man kaya ay nangyayari rin ang ganitong mga pag-atake?
Sa 62nd UN Commission on the Status of Women (CSW) sa UN Headquarters sa New York, itinampok ng mga participant ang pagkakaroon ng “marked increase” sa cyber harassment sa nakalipas na 15 taon. Dahil dito, naging mahalagang isyu ang kaligtasan ng mga babaeng mamamahayag (women journalists) sa reportage ng digital era. ‘Di ba noong Marawi siege, maraming Filipino women journalist ang nagtungo roon upang maghatid ng balita?
Magbabago kaya ng pag-iisip at paninindigan si Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD) ngayong may 61 mambabatas ang humihimok sa kanya na ipagpatuloy ang peace talks sa Communist Party of the Philippines (CPP) na ipinundar ng kanyang dating propesor, si Jose Ma. Sison?
Sa isang pirmadong resolusyon, tinawagan nila si PRRD na i-resume ang peace talks sa communist rebels na kinakatawan ng National Democratic Front (NDF). Antabayanan natin ang magiging desisyon ni Mano Digong, na minsan ay nagpahayag na lilipulin niya ang CPP-NPA-NDF. Sa galit niya noon, minsan ay sinabihan pa niya ang military na “Shoot the female NPA (amazona) in the vagina”.