Ni Francis T. Wakefield

Nagtipon ang mga kinatawan ng iba’t ibang normalization bodies sa ilalim ng Government of the Philippines–Moro Islamic Liberation Front (GPH-MILF) Peace Panel sa Davao City nitong unang bahagi ng linggo para patibayin ang umiiral na peace mechanisms at muling mangako sa peace process.

Sa dalawang araw na workshop sa pamumuno ng World Bank at Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP), inirekomenda ng normalization bodies ang mga pangunahing aktibidad na maaari nilang magkatuwang na isagawa bilang paghahanda para sa pagpasa at pagpatibay sa Bangsamoro Basic Law (BBL).

Ang normalization bodies ang naging kasangkapan sa patuloy na pagsusumikap upang matamo ang kapayapaan sa Mindanao, partikular matapos ang paglalagda sa Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB) ng GPH at ng MILF noong 2014.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Sa kanyang talumpati sa okasyon, sinabi ni Deputy Presidential Adviser on the Peace Process Nabil Tan na mayroong “very good chance” na maipapasa ang BBL.

Binigyang diin ni Tan, namumuno rin sa GPH Peace Implementing Panel, na kailangang magkaroon ng time frames para sa implementasyon ng joint activities, dahil ang GPH-MILF peace process ay nasa “intensified phase of the implementing stage” na ngayon.

Sinabi naman ni MILF Panel Implementing Chair Mohagher Iqbal, naging resource person sa public consultations ng Kongreso, na positibo siyang maaaprubahan ang panukalang batas.

“All directions point to the positive outcome of the BBL,” aniya.

Sinabi rin ni Iqbal na ang MILF ay maasahang kasangga “when everything is settled” sa pagpasa ng BBL.