Ni Celo Lagmay

KASABAY ng taimtim na pakikidalamhati sa mga biktima ng nakakikilabot na Occidental Mindoro bus crash, muling gumitaw sa aking utak ang malimit maging dahilan ng gayong trahedya: Kapalpakan ng mga sasakyan at kapabayaan ng mga tsuper. Ibig sabihin, kakulangan ng angkop na pangangalaga sa mga sasakyan bago ibiyahe ang mga ito; at kapabayaan ng ilang tsuper na walang pagpapahalaga sa ibayong pag-iingat.

Naniniwala ako na hindi maiiwasan ang anumang aksidente. Nagaganap ito nang hindi inaasahan at lalong hindi matiyak kung kailan. Tulad ng magnanakaw sa gabi, wika nga. Subalit ang mga aksidente ay mababawasan lamang sa pamamagitan nga ng ibayong pag-iingat. Dahil dito, wala tayong dapat sisihin.

Manapa, marapat lamang paalalahanan ang mga kinauukulan, hindi lamang ang may-ari ng mga sasakyan at mga tsuper nito, kundi higit sa lahat, ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), Land Transportation Office (LTO) at iba pang transportation agency. Ang naturang mga tanggapan ang may pananagutan sa pagityak ng mabuting kondisyon ng mga sasakyan. Ang mga ito ang nagbibigay ng mga prangkisa at nagrerehistro sa mga sasakyan upang matiyak ang ligtas na pagbibiyahe.

Hindi na kailangan ang paglikha ng iba pang tanggapan, tulad ng National Transportation Safety Board na nais isulong ng isang mambabatas. Ang naturang plano ay isang malaking insulto sa LTFRB at LTO sapagkat malalantad ang kanilang kapabayaan at kakulangan ng kakayahan sa makatuturang pamamahala sa kanilang tanggapan.

Kaakibat ito ng pagpapaigting sa nakagawiang random drug test sa mga tsuper, lalo na sa mga inaakalang sumisinghot ng illegal drugs upang hindi sila antukin sa pagmamaneho. May mga pagkakataon na ang ilang tsuper ay lango sa droga at alak samantalang nakahawak sa manibela – mga bagay na hindi dapat mangyari alang-alang sa kaligtasan ng kanilang mga pasahero.

Bigla kong naalala ang isang malagim na aksidente na kamuntik nang maging dahilan ng aming kamatayan maraming dekada na ang nakalipas o noong Marso 4, 1962. Kabilang ako sa 12 pasahero ng isang dyip na humaharurot sa kahabaan ng Malabon at Alvarez Sts. Sa Sta.Cruz, Maynila; bigla itong bumaligtad, isa-isang naglabasan sa nakatihayang sasakyan; duguan ang karamihan sa amin samantalang ang tsuper ay nanatiling nakaipit sa manibela. Kaming lahat ay isinugod sa kalapit na Jose Reyes Memorial Hospital (noon ay North General Hospital). Ang iba pang pangyayari ay bahagi na lamang ng kasaysayan.

Sa kabila ng malagim na pangyayaring ito, makabuluhan ang pangangalaga sa mga sasakyan at ibayong pag-ingat ng mga tsuper. Kaakibat ito ng makatuturang pagtupad sa tungkulin ng kinauukulang ahensiya upang matiyak ang pagiging road-worthy ng anumang uri ng transportasyon.