SA nalalabing araw sa panunungkulan, nagkasundo ang dalawa sa pinakamalalaking bansa sa mundo na palawigin ang pamamahala ng mga kasalukuyan nilang opisyal.

Nitong Linggo, bumoto ang National People’s Congress ng China upang tanggalin ang dalawang taong limitasyon sa panguluhan, kaya pinayagan si President Xi Jinping na manatili sa kanyang posisyon sa katapusan ng ikalawa niyang termino sa 2023.

Ipinatupad ang dalawang taong termino noong 1982, sa ilalim ng pamumuno ng dating Chinese leader na si Deng Xiaoping, na nais iwasan ang pangmatagalang pamumuno. Bago si Deng, ang China ay pinamunuan ni Chairman Mao sa loob ng 40 taon.

Nitong Lunes, napagtagumpayan ni Russian President Vladimir Putin — na naging pangulo o prime minister ng Russia simula noong 2000 — ang anim na taong termino sa landslide victory laban sa pito niyang katunggali, kahit na ipinagdidiinan ng mga kritiko na pinagbawalan siyang tumakbo. Sa pagtatapos ng bago niyang termino sa 2024, si Putin ay aabutin ng 24 na taon sa paglilingkod, pangalawa kay Joseph Stalin sa pinakamatagal na pinamunuan ang bansa, na inabot ng 30 taon.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Nang makarating kay United States President Donald Trump ang desisyon ng China kay Xi Jinping, sinabi niya, “He’s now president for life…. I think it’s great. Maybe we’ll have to give that a shot someday.” Gayunman, hindi akma na ang bansang tulad ng Amerika, na mayroong makasaysayang demokratikong tradisyon, ay gagaya sa China o sa Russia, sa pagkonsidera sa US constitutional amendment noong 1947, na niratipikahan ng lahat ng 50 estado ng Amerika noong 1951, na naglilimita sa pangulo na manungkulan sa loob ng dalawang apat na taong termino.

Sa Amerika ginaya ng Pilipinas ang kasalukuyan nitong sistema sa pulitika. Mahalaga rin para sa atin ang eleksiyon, kaya hindi lang ito basta gawaing pulitikal; ipinagdiriwang din ito gaya ng piyesta, na magpapaliwanag kung bakit kinakailangan ng malaking halaga upang magpatakbo ng maayos na kampanya.

Minsan nang ipinahayag ni Pangulong Duterte na handa na siyang makipagtulungan sa China at Russia laban sa mundo. Nagsisimula pa lamang ang kanyang administrasyon nang sabihin niyang nais niya ng mas nagsasariling polisiyang panlabas, sa halip na pagtibayin pa ang ugnayan ng Pilipinas sa Amerika.

Ngunit hindi magandang sundin ang kongresong mayroon ang China na maaaring may maupong pangulo hanggang ito’y nabubuhay, o ang paghahalal ng Russia ng isang tagapamuno na manunungkulan sa loob ng 24 na taon. Mayroon tayong pangulo na naglingkod ng 21 taon, ngunit ang malaking bahagi ng panahon na iyon ay naging posible dahil sa batas militar. At nangako ang buong bansa, “Never again!”

Naging interesado tayo sa mga nagdaang kaganapan sa China at Russia at hiling natin na maging maayos ito. Ang pagpayag nila sa kanilang mga tagapamuno na maglingkod sa mas mahabang panahon ay parte ng kanilang kasaysayan at kahilingan ng kanilang mamamayan.

Mayroon tayong sariling pulitika, sariling sistema sa eleksiyon, at sariling paraan.