Ni Gilbert Espeña
TINIYAK ni Filipino bantamweight Kenny Demecillo na hindi siya magiging biktima ng hometown decision matapos niyang patulugin sa 4th round nitong Marso 17 ang dating walang talong si WBC International Silver at Universal Boxing Organization (UBO) featherweight titlist Vyacheslav Mirzaev sa RGK KAPITAN Anapa, Russia.
Nakipagsabayan si Demecillo sa unang tatlong rounds bago tinamaan ng matinding kombinasyon si Mirzaev na hindi na nakabangon kaya idineklara ng Russian referee ang panalo ng Pinoy boxer.
Ito ang ikalawang laban ni Demecillo sa ibayong dagat matapos siyang mapuntusan ng kababayang world rated na si Mark Anthony Geraldo sa kanilang sagupaan para sa bakanteng WBO Oriental bantamweight title noong Marso 11, 2017 sa Hong Kong, China.
Tiyak na papasok si Demecillo sa world ranking dahil nakalista si Mirzaev na No. 11 sa IBF at No. 15 sa WBC.
Binansagang “Big Heart,” may rekord ang tubong Lanao del Norte na si Demecillo na 14-4-2 win-loss-draw na may 8 panalo sa knockouts samantalang nakalasap ng unang pagkatalo si Mirzaev matapos ang 10 sunod-sunod na panalo, 1 lamang sa knockout.
Kasabay ng laban ni Demecillo, natalo naman si Filipino journeyman Ricky Sismundo sa 10-round unanimous decision sa wala ring talong si Batyr Ahmedov na nasungkit ang WBA Inter-Continental super lightweight sa Floyd Mayweather Boxing Academy, Zhukovka, Russia.