Ni Celo Lagmay
SA isang media forum kamakailan, ibinulalas ng isang kapatid sa pamamahayag: Isang tandisang paglabag sa karapatan ang pagbabawal sa atin sa pag-awit sa videoke. Maliwanag na ang kanyang reaksiyon ay nakaangkla sa isang panukala laban sa walang pakundangang pagpapatugtog ng naturang instrumento na nagiging tampulan ngkatakut-takot na mga reklamo.
Sa naturan ding pagpupulong ng media, ibinulalas din ng isa pa nating kapatid sa propesyon: Isa rin bang paglabag sa ating karapatan sa pagkanta kung tayo ay masyado nang nakabubulahaw sa ating kapwa dahil sa nakatutulig at halos magdamag na pagpapatugtog ng videoke?
Sa nabanggit na magkasalungat na pananaw, maliwanag na hindi nila pinag-ukulan ng masusing paglilimi ang nasabing panukala ng ilang mambabatas. Hindi ito isang ganap na pagbabawal sa videoke kundi nagtatakda lamang ng limitasyon sa oras ng pag-awit at pagpapatugtog ng naturang musical instrument. Hindi ko matiyak kung hanggang kailan at saan, at kung ano ang angkop na parusa sa mga paglabag kung sakaling maging batas ang naturang panukala. Subalit naniniwala ako na iyon ay naglalayong maging makatuwiran at makatao ang pag-awit sa videoke upang hindi makaabala sa mga namamahinga at mga nahihimbing sa kalaliman ng gabi.
Hindi ko ipinagtaka ang pagbulalas ng magkasalungat na argumento ng ating mga kapatid sa media na hindi ko na tutukuyin ang mga pangalan. Tila labag sa kanilang kalooban na pakilaman ng naturang panukala ang labis nilang paglilibang sa videoke. Madalas na sila ay halos mag-agawan sa mikropono upang umawit, lalo na nang tayo ay aktibo sa pamunuan ng National Press Club (NPC) – ang itinuturing na ‘second home’ ng ating mga kapatid pagkatapos ng ating misyon sa pinaglilingkuran nating mga pahayagan o broadcast outfit.
Sa pagsusulong ng ilang mambabatas ng nabanggit na panukala, maaaring naging batayan din nila ang hindi kanais-nais na mga pangyayari na malimit maganap sa mga videoke center at maging sa ating mga kapit-bahay – mga eksena na kung minsan ay nagiging malagim. May ulat, halimbawa, na kamuntik nang magkapatayan ang mga customers sa isang restawran dahil lamang sa pag-awit ng walang kamatayang ‘My Way’. Marami pang ganitong insidente, lalo na sa mga magkakapit-bahay, ang nagbubunga ng hindi pagkakaunawaan na humahantong sa mga barangay
hall.
Nakalulugod kung ang pag-awit sa videoke ay tinatampukan ng mga kantang kundiman at iba pang awitin na malamyos sa ating pandinig; na tayo ay mistulang ipinaghehele sa kalaliman ng gabi. Subalit labis naman tayong nabubulahaw sa halos pasigaw at sintunadong pag-awit.
Sa anu’t anuman, talagang dapat magkaroon ng limitasyon sa oras at lugar ng videoke session upang maiwasan ang nakabubulahaw na pag-awit na karaniwang nagiging mitsa ng bangayan.