Ni Bert de Guzman
TIYAK na apektado ang turismo ng Pilipinas sa pagpapasara sa Boracay Island sa loob ng isang taon. Tuwirang apektado nito ang competitiveness ng bansa bilang isang leisure investment destination. Siyempre pa, malaki ang mawawala sa ‘Pinas kapag natuloy ang pagpapasara sa Boracay. Ilang bilyong piso kaya?
Batay sa Coliers International Philippines, maaapektuhan sa pagsasara ang lehitimong mga negosyo na tumalima naman sa mga patakaran ng local government units. Ayon kay Joey Roi Bondoc, research manager ng Coliers International Philippines, “Over the long run this might impair the Philippines’s competitiveness as a leisure investment destination.”
Muling nagkita at nagkatabi sa upuan sa grandstand ng Borromeo Field sa Baguio City sina Pres. Rodrigo Roa Duterte at Vice Pres. Leni Robredo kaugnay ng graduation Ceremony ng PMA Alab Tala Class of 2018. Sa larawan, makikita si Mano Digong na umiinom ng buko juice habang si beautiful Leni ay nakatingin sa malayo.
Para bang may LQ (lovers’ quarrel) sila. Dinunggol ako ng kaibigang palabiro pero sarkastiko: “Inalok kaya ng ating Pangulo si VP Leni ng juice? Tiningnan kaya ni PRRD ang maputing binti ni Bise?” Tugon ko: “Aba, ewan wala naman tayo roon. Saka hindi natin alam kung nakabestida lang si Leni o nakapantalon.”
Kinamayan ni Mano Digong si Vice President nang makita siya sa stage ng Borromeo Field, ang venue ng graduation ceremony. Sa kanyang talumpati, binati ni Pangulo si VP saka tiningnan sa gitna nang hiyawan at palakpakan ng mga tao.
Ayon sa machong Presidente, ok naman sila ng magandang Bise Presidente. “Magkaibigan naman kami ni Ma’m.” Patunay na magkaibigan sila ay ang hindi pag-usad ng mga impeachment complaint na inihain sa Kamara laban kay VP Leni.
Walang kongresista ang nagtangkang mag-endorso nito.
Ganito rin marahil ang nangyari kay Ombudsman Conchita Carpio-Morales. Wala ni isang kongresista ang nag-endorso sa mga reklamo laban sa kanya. Si Carpio-Morales ay balae ng ating Pangulo. Siya ay tiyahin ni Davao City Mayor Sara Duterte, asawa ng pamangkin ni Morales na si Atty. Mans Carpio.
Sa talumpati ng Pangulo sa graduation rites ng PMA Class 2018, hinikayat niya ang 120 bansa na kumalas na sa International Criminal Court (ICC). Tinawag niya ang Rome Statute na nagtatag sa ICC bilang “bulshit.” Tinawag din niya ang pag-iimbestiga sa kanya ng ICC bilang “rude” o kabastusan.
Tinawag pa niya si ICC prosecutor Fatou Besouda bilang “Itim na babae”, samantalang si UN rapporteur Agnes Callamard ay “Payat na babae.’ Pero sa harap ni beautiful Leni, wala siyang masabi kundi purihin ang maputi at makinis na binti nito at sabihing “Magkaibigan naman kami ni Ma’m.
Talagang iba ang ganda at pang-akit ng Pilipina!